Pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 (DA-RFO 3) sa ilalim ng High Value Crops Development Program ang isinagawang Lowland Vegetables and Legumes Stakeholders Meeting noong Mayo 20 hanggang 21, 2026 sa Malabanias Street, Angeles City, Pampanga.
Layunin ng dalawang araw na pagpupulong na mapalawak ang kaalaman ng mga stakeholder hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng industriya ng lowland vegetables at legumes, gayundin ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Pormal na binuksan ang aktibidad sa pamamagitan ng mensahe ni Dr. Arthur Dayrit, Regional Technical Director for Operations, Extension and AMAD.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na datos, makabagong teknolohiya, at matatag na suporta sa mga magsasaka upang mapanatili ang paglago ng sektor ng gulay at legumes.
Isa sa mga pangunahing paksa na tinalakay ay ang “Lowland Vegetables and Legumes Industry Situationer” na inilahad ni Agriculturist II Glarissa Balbarez.
Ibinahagi niya ang kasalukuyang sitwasyon ng produksyon ng gulay at legumes sa rehiyon, kabilang ang mga hamon sa produksyon at mga oportunidad para sa pagpapalawak ng industriya.
Nagbigay naman ng mahahalagang update si Regional RSBSA Focal Person Alvin David kaugnay sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture at Farmers and Fisherfolk Registry System.
Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng tamang pagpaparehistro upang mas maraming magsasaka ang makinabang sa mga programa at serbisyong inilalaan ng pamahalaan.
Samantala, inilahad ni Statistical Specialist II John Rey Duay ng Philippine Statistics Authority ang datos sa lawak ng taniman at dami ng produksyon ng lowland vegetables at legumes mula taong 2024 hanggang 2026.
Nagbigay rin ng impormasyon si Melcyn Tiemsin mula sa Philippine Crop Insurance Corporation tungkol sa crop insurance program para sa mga nagtatanim ng lowland vegetables at legumes.
Ipinaliwanag niya kung paano makatutulong ang insurance sa pagprotekta sa kabuhayan ng mga magsasaka laban sa pinsalang dulot ng kalamidad at iba pang sakuna.
Para sa ikalawang araw, tinalakay rin ni Science Research Specialist I Rosalyn Fulgencio ang Integrated Pest Management na naglalayong maturuan ang mga magsasaka ng epektibo at makakalikasang pamamaraan laban sa peste at sakit ng pananim.
Kasama sa aktibidad ang presentasyon ng datos mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan para sa taong 2024 hanggang 2026 bilang bahagi ng pagpapalakas ng regional database para sa sektor ng agrikultura.
Sa pagtatapos ng programa, nagpasalamat si Agriculturist II Glarissa Balbarez sa lahat ng dumalo at nagpahayag ng pag-asang mas mapagtitibay pa ang pagtutulungan ng bawat stakeholder para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng lowland vegetables at legumes industry sa rehiyon.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong






