Isinagawa ang 1st Semester Assessment ng Corn Banner Program ng Kagawaran ng Pagsasaka–Gitnang Luzon nitong ika-15 ng Hulyo sa Farm Ridge, Pantabangan, Nueva Ecija.

Pinagsama-sama sa assessment ang mga kinatawan ng Corn Banner Program mula sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon upang ilahad at suriin ang mga programa, proyekto, at aktibidad na naisakatuparan sa unang kalahati ng taon. Tinalakay rin ang mga naging hamon at mahahalagang natutunan sa pagpapatupad ng programa upang lalo pa itong mapabuti.

Bilang bahagi ng programa, nagbigay ng welcome message si Field Operations Division Acting Chief Dr. Lowell D. Rebillaco, habang naghatid naman ng inspirational message si Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr. Sinundan ito ng Overview of the 1st Semester Assessment na inilahad ni Regional Corn Program Coordinator Melody G. Nombre.

Sa mensahe ni Dr. Rebillaco binanggit nito na ang akdibidad ay hindi lang ginawa upang maayos ang pisikal at pinansyal na tagumpay ng programa kundi upang mas maayos pa ang kabuuang industriya ng mais sa Central Luzon na magdudulot ng maunlad na kapakanan at kabuhayan ng mga magsasaka.

Ayon naman kay Director Lapuz, ang Gitnang Luzon ang nangungunang konsyumer ng dilaw na mais sa Pilipinas dahil ito ang pangunahing sangkap sa paggawa ng animal feeds na ginagamit ng industriya ng paghahayupan at pagmamanukan.

Dagdag pa niya na ang rehiyon din ang nangunguna sa produksyon ng broiler, pangalawa sa dairy farming, at unti-unti nang nakakabangon ang industriya ng pag-aalaga ng baboy mula sa epekto ng African Swine Fever (ASF). Dahil dito, malaki ang maitutulong ng patuloy na pagpapalakas ng produksyon ng mais sa Gitnang Luzon upang matugunan ang pangangailangan ng feed industry at masuportahan ang paglago ng sektor ng paghahayupan at pagmamanukan.

Ibinahagi naman ni Regional Technical Director for Operations and Extension Arthur D. Dayrit, Ph.D. na ang Gitnang Luzon ang may pinakamataas na ani kada ektarya sa buong bansa na tinatayang 7-8MT  kada ektarya kumpara sa 4.6MT sa ibang mga rehiyon. Patunay nito ng mga epektibong istratehiya at pagsisikap ng Kagawaran lalu na ng mga magsasaka ng mais sa rehiyon.

Inilahad din sa pagtitipon ang 1st Semester Accomplishment of the Provincial and Regional Corn Program sa pangunguna ni Engr. Kathleen O. Caingat, gayundin ang CY 2025–2026 Accomplishment of the Cassava Projects na iniulat ni Regional Cassava Coordinator Genesis Martin.

Nagbigay rin ng ulat si Ms. Ardene Z. Torrico ng Philippine Statistics Authority–Regional Statistical Services Office III hinggil sa CY 2025–2026 1st Semester Production Performance ng yellow corn, white corn, cassava, sorghum, at soybean, pati na rin ang CY 2026 2nd Semester Production Forecast para sa mga naturang pananim.

Bukod sa paglalatag ng mga naging accomplishments, nagsisilbi rin ang pagtitipon bilang venue para sa pagpaplano ng mga estratehiya at mga susunod na hakbang upang matiyak ang katuparan ng mga target ng Corn Banner Program sa ikalawang semestre ng taon.

Sa pamamagitan ng regular na assessment at masusing pagpaplano, patuloy na pinagtitibay ng DA Gitnang Luzon ang mga inisyatiba nito tungo sa pagpapataas ng produksyon ng mais, pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka, at pagsusulong ng isang mas matatag at masiglang sektor ng agrikultura sa rehiyon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong