Pormal na ipinagkaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III), sa pamamagitan ng Agricultural and Fisheries Logistics Office (AFLO), ang isang Solar-Powered and Wind-Powered Modular Cold Storage Facility sa Pindangan 2nd Primary Multipurpose Cooperative sa isinagawang turnover ceremony noong ika-25 ng Agosto sa Camiling, Tarlac.
Pinangunahan ang seremonya ni Assistant Secretary for Logistics at Head ng AFLO Asec. Daniel Alfonso Atayde kasama sina DA-RFO III Regional Technical Director for Operations, Extension, and AMAD Dr. Arthur D. Dayrit, at Regional HVCDP/NUPAP/AFLO/CFIDP Focal Person Engr. AB P. David.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan at kawani mula sa DA-RFO III, Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac, at Pamahalaang Bayan ng Camiling, kasama ang mga farmer-members ng Pindangan 2nd Primary Multipurpose Cooperative.
Bahagi ng seremonya ang blessing ng pasilidad at ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Donation na pormal na nagtatakda sa turnover at paggamit ng cold storage facility ng kooperatiba.
Ang proyekto ay isinagawa sa ilalim ng FY 2024 Locally Funded Projects – Cold Storage Expansion Program na may kabuuang halaga na ₱14.625 milyon. May kapasidad itong humigit-kumulang 9-10 metriko tonelada at storage volume na 67-76 cubic meters.
Gumagamit ito ng hybrid renewable energy system na pinapagana ng solar at wind power at idinisenyo para sa iba’t ibang agricultural commodities gaya ng gulay, prutas, at iba pang high-value crops.
Layunin ng pasilidad na makatulong sa pagbawas ng postharvest losses na dulot ng pagkasira, moisture loss, at pagbaba ng kalidad ng mga produkto. Sa pagkakaroon ng cold storage, magkakaroon ang mga magsasaka ng mas maayos na paraan upang mapanatili ang kalidad at shelf life ng kanilang ani at magkaroon ng mas magandang pagkakataon sa pagbebenta sa merkado.
Sa kanyang mensahe bilang benepisyaryo ng proyekto, nagpahayag si Jonathan Lababit, Chairman ng Pindangan 2nd Primary Multipurpose Cooperative, ng kanyang pasasalamat sa Kagawaran at sa lahat ng naging bahagi ng pagkakaloob ng pasilidad. Aniya, malaking tulong ito sa kanilang kooperatiba at mga magsasaka, at nangako siyang pangalagaan at gamitin nang maayos ang pasilidad upang mapakinabangan ito ng kanilang mga miyembro.


#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong

