Sa isang makasaysayang pagkakataon, tinanggap ng First Tarlac Mango Stakeholders Association Inc. ang isang Multi-Commodity Processing Facility at Equipment nitong ika-26 ng Oktubre.
Ito ay naganap sa isang seremonya ng ribbon cutting sa Barangay Cristo Rey, Capas, Tarlac.
Ang pinagkaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ay nagkakahalaga ng Php 1,391,999.98.
Itinatag at nairehistro ang grupo sa Securities and Exchange Commission noong ika-17 ng Setyembre taong 2020 sa pangunguna ni Chairperson Ferdinand Hilario. Sila ay binubuo ng nasa 40 na miyembro.
Nagbigay-pugay si Capas Mayor Roseller Rodriguez sa proyektong ito at nagbigay ng kaniyang papuri sa First Tarlac Mango Stakeholders Association Inc.
Sinundan ito ng mensahe ni HVCDP Focal Person Engr. AB David na natunghayan ang dedikasyon ng grupo sa pag-unlad ng agrikultura at pagnenegosyo sa kanilang lugar.
Kasabay nito, nagbigay ng kaniyang suporta si Bureau of Plant Industry Assistant Director for Regulatory Services Ruel Gesmundo sa mga magsasaka at tagapagproseso ng produkto ng Tarlac.
Para maging opisyal ang pamamahagi, nilagdaan ng mga kinatawan ng grupo at DA RFO 3 ang isang kasunduan na nagtatakda ng mga kondisyon para sa paggamit ng bagong pasilidad.
Sa naging tugon ni Chairperson Hilario, kaniyang ipinahayag ang labis na pasasalamat sa ahensiya at sa buong komunidad ng Tarlac sa kanilang naging suporta at pagtitiwala sa kanilang kakayahan.
Saksi rin sa aktibidad sina Project Development Officer IV Jose Jeffrey D. Rodriguez, Provincial Governor of Tarlac Reprentative – Michelle Baino, at DA RFO 3 – Agricultural Program Coordinating Officer, Tarlac – Ricky Manguerra.
Ang pagkakaloob ng bagong Multi-Commodity Processing Facility at Kagamitan ay naglalayong paigtingin ang produksyon at kalidad ng mga produkto.
Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng modernong kagamitan, inaasahan ang mas mataas na kalidad ng produkto at mas magandang kinabukasan para sa industriya ng agrikultura sa Tarlac.