Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) ang isang Onion Credit Caravan nitong ika-14 ng Setyembre sa Sierra Madre Suites, Palayan City, Nueva Ecija.

Pinangunahan ito ng DA – High Value Crops Development Program (HVCDP), DA – Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at ang DA – Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) bilang bahagi ng Optimization and Resiliency in the Onion Industry Network (ORION) Program ng pamahalaan upang suportahan ang lokal na industriya ng sibuyas.

Layon ng ORION Program na isulong ang isang mapagkumpitensya, resilient at kumikitang industriya ng sibuyas na magbibigay ng mataas na kalidad, ligtas, abot-kaya, at napapanatiling supply ng sibuyas upang matugunan ang tumataas na demand sa bansa.

Ang caravan ay dinaluhan ng mahigit 100 na magsasaka ng sibuyas at nagsilbing lugar at paraan upang kanilang malaman ang mga update at mga requirement para sa mga loan at insurance program mula sa iba’t ibang financing institutions.

Sa pamamagitan ni Assistant Secretary Rex Estoperez, nagpahatid ng mensahe si Senior Undersecretary Domingo Panganiban. Aniya, ang pag tiyak na mas maraming access ang mga magsasaka sa credit at insurance ay isa sa mga unang hakbang upang makamit ang national self-sufficiency ng bansa.

“They perform a valuable function permitting farmers and their organizations to pool their resources, reduce risks, and build capital for their enterprises,” dagdag pa nito.

Kabilang sa mga financing institution na lumahok sa caravan ay ang Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, New Rural Bank of San Leonardo, Inc., ProFarmers Rural Banking Corporation, Kilusang Lima Para Sa Lahat Multipurpose Cooperative, Rizal Public Market Vendors Farmers Multipurpose Cooperative, at Philippine Crop Insurance Corporation.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon