Matagumpay na isinagawa ng Organic Agriculture Program (OAP) – Central Luzon ang kanilang Mid-Year Assessment sa Desmond Farm and Partners Inc., Pantabangan, Nueva Ecija noong ika-6 hanggang 7 ng Agosto.
Ang dalawang araw na pagpupulong ay nagsilbing pagkakataon para sa mga kinatawan mula sa iba’t ibang probinsya ng Gitnang Luzon na mag-ulat ng kani-kanilang accomplishments para sa unang semestre ng 2025, magbahagi ng mga epektibong estratehiya, at magtalakay ng mga isyung dapat tugunan sa pagpapatupad ng organikong agrikultura.

Layunin nitong mas mapalakas ang koordinasyon at pagpaplano ng mga aktibidad upang higit na mapalakas ang pagpapatupad ng organikong pagsasaka sa rehiyon.
Sa kanyang presentasyon ng program status updates, pinasalamatan ni Regional OAP Focal Person Marie Joy M. Daguro ang lahat ng lumahok sa aktibidad. Aniya, “Dahil po sa mga nakikita naming strategies ng bawat probinsya sa pag-implement ng program, nakikita po namin ang pagsulong ng OAP. Mahirap ang organikong agrikultura pero after all the sacrifices, napakasarap sa pakiramdam na matulungan ang ating mga organic practitioners.”

Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang presentasyon ng program accomplishments, pag-uulat ng mga proyektong pinondohan ng LGU, monitoring status ng Organic Agriculture Livelihood Projects (OALP), target profiling at accomplishment updates, pag-uulat sa mga isinagawang aktibidad sa ilalim ng Extension Support, Education and Training Services (ESETS), status ng pagsusumite ng INS documentary requirements, paggawa ng work plan para sa Participatory Guarantee System (PGS) activities, pagtukoy ng 5K areas, at iba pang kaugnay na usapin na makatutulong sa pagpapaunlad ng programa.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kawani ng Regional OAP, at provincial focal persons at staff ng bawat probinsya. Nakibahagi rin ang mga kinatawan mula sa Agricultural Program Coordinating Offices (APCOs), Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC), Planning, Monitoring, and Evaluation Division (PMED), Regional Agricultural Engineering Division (RAED), Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), at Bureau of Soils and Water Management (BSWM).
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong