Matagumpay na isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) ang orientation at coordination meeting para sa Fuel Assistance to Farmers Project for FY 2023 na pinangunahan ng Field Operations Division (FOD) sa pamumuno ni FOD Chief Elma Mananes sa bagong Conference Hall ng DA RFO 3, nitong ika-13 ng Hulyo.
Ang layunin ng oryentasyon ay upang talakayin ang approved guidelines para sa maayos na implementasyon ng fuel assistance para sa mga benepisyaryong magsasaka. Karagdagan din dito, ang proyekto ay magbibigay ng one-time fuel assistance sa mga kwalipikadong magsasaka na apektado ng presyo ng krudo sa merkado. Naglalayon din itong suportahan ang mekanisasyon upang mapahusay ang pagka-epektibo ng trabaho sa lupa at paggawa sa sektor ng agrikultura.
Pinangunahan naman ni Regional Technical Director for Operations & Extension na si Dr. Eduardo Lapuz, Jr. ang pagbibigay ng pambungad na mensahe.
Nagkaroon naman ng presentasyon at pagtalakay si Engr. IV Cristy Cecilia Polido, Chief ng Programs and Project Management Division (PPMD) ng Department of Agriculture – Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (DA-BAFE) at si Engr. II Ronald Melvin Rosas patungkol sa approved national guidelines sa fuel assistance para sa mga magsasaka.
Samantala, nagbahagi naman ang DA Information and Communications Technology Service (ICTS) patungkol sa ICTS/Intervention Management Platform (IPM) matters sa mga kwalipikadong benepisyaryong magsasaka, database, at fuel process updates.
Ang Universal Storefront Services Corporation (USSC) Operations Head na si Jonathan Relucio, ay nagbahagi ng mga bagay na kanilang nagawa para sa data preparation ng card issuance patungkol sa active fuel merchant at merchant system.
Ibinahagi naman ni Agriculturist II Engr. Arwen Lacanilao ang presentasyon at pagtalakay sa Drafted Supplemental Regional Guidelines para sa implementasyon ng fuel assistance sa Gitnang Luzon.
Kasunod nito ay nagkaroon din ng open forum ang lahat ng mga indibidwal na dumalo upang mapagusapan pa ang mga posibleng stratehiya na maidadagdag para sa ikagaganda ng implementasyon ng fuel assistance.
Sa huling parte naman ng programa, nagbahagi ng mensahe ng pasasalamat si FOD Chief Mananes. “This activity has been a big help for us na makapagsimula na ng fuel subsidy implementation. Hopefully, maging malinaw sa lahat at maging smooth ng implementasyon natin nito. Maraming salamat po sa lahat ng nandito sa araw na ito,” pasasalamat nito.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga pangunahing opisyal mula sa iba’t ibang tanggapan ng DA RFO 3 na malaki ang gagampanang papel sa implementasyon ng proyektong ito.