Nagsagawa ng dalawang araw na oryentasyon at pagsasanay ukol sa Harmonized Regulatory Functions ang Kagawaran ng Pagsasaka – Gitnang Luzon (DA-RFO III) para sa mga kawani ng Regulatory Division at mga stakeholder nito noong ika-29 hanggang ika-30 ng Enero sa Redd Manor, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Layunin ng aktibidad na maipabatid at mapagtibay ang kaalaman hinggil sa mga programa, proyekto, at aktibidad na ipinatutupad ng Regulatory Division upang matiyak ang mas episyente, pare-pareho, at maayos na implementasyon ng mga regulasyon sa rehiyon.

Sa mensahe ni Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., binigyang-diin niya ang kahalagahan ng harmonisasyon sa loob ng organisasyon bilang pundasyon ng positibo, produktibo, at epektibong serbisyo.

Aniya, ang pagkakaisa at malinaw na koordinasyon sa tanggapan ay susi sa mas mabilis at mas maayos na pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka ng Gitnang Luzon.

Tinalakay sa unang araw ng pagsasanay ang mga proseso sa pag-aaplay para sa Plant Nursery Accreditation at Planting Materials Certification, Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) Certification, Internal Control System (ICS) para sa mga kooperatiba at asosasyong nagnanais makakuha ng PhilGAP, Participatory Guarantee System (PGS) Accreditation and Certification, at tamang pamamaraan ng pagkuha ng samples para sa Pesticide Residue Analysis.

Samantala, sa ikalawang araw ay nagsanay ang mga kalahok sa ligtas at makatarungang paggamit ng pestisidyo, wastong proseso at protokol sa pagkuha ng soil samples, pagsasagawa ng Pest and Disease Surveillance, at pagpapalakas ng market linkage para sa mga produktong PhilGAP Certified.

Sa panghuling mensahe ni Marilyn Velarde, Supervising Agriculturist ng Regulatory Division, hinikayat niya ang mga kawani na higit pang paigtingin ang pagkakaisa at kooperasyon upang mas epektibong masuportahan ang mga magsasaka sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan at sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa rehiyon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong