Isang oryentasyon ang isinagawa sa Bendix Hotel, Barangay Dolores, Lungsod ng San Fernando, Pampanga mula Setyembre 19 hanggang 20, na may layuning palakasin ang pagbibigay ng impormasyon sa agribusiness gamit ang ICT-based system.

Ang aktibidad ay dinaluhan ng 60 kalahok mula sa mga kinatawan ng agribusiness ng lalawigan ng Tarlac at Bulacan, kabilang ang Provincial Agribusiness Coordinators at mga kinatawan mula sa municipal/city.

Layunin nitong mapabuti ang pagkolekta ng datos at ang integrasyon ng mga digital platform upang makapagbigay ng komprehensibo at napapanahong impormasyon sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Ito ay pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office 3, partikular ng Agribusiness and Marketing Assistance Division sa ilalim ng Agribusiness Support Industry System (AISS).

Sa unang araw ng oryentasyon, tinalakay ang iba’t ibang paksa na may kaugnayan sa digital na agrikultura.

Kabilang dito ang ‘Digital Agriculture Map’ na ipinaliwanag ni Mark Harris Jamilan, Computer Programmer III ng DA-ICTS.

Tinalakay din ang Bantay Presyo Monitoring System (BPMS) at Trading Post Commodity Volume Watch (TPCVW) bahagi ng Market Information Digitalization at Price and Supply Monitoring Guidelines, na pinangunahan ni Leonora Gabriel, Senior Agriculturist ng DA-AMAS.

Nagbigay din ng walkthrough sa sistema at Provision/Creation ng BPMS at TPCVW account sina Computer Programmer III Mark Harris Jamilan at Computer Programmer II John Patrick Lachica.

Para sa ikalawang araw, binigyang pansin ang tungkol sa Rice Classification at Vegetable Classification.

Ang aktibidad ay isang hakbang tungo sa mas mahusay na pamamahala at impormasyon sa agrikultura, na tiyak na makikinabang ang mga lokal na komunidad at magsasaka.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong