Sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon matagumpay na naisagawa ang oryentasyon hinggil sa Daily Price Index (DPI) at sa mga mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. Ang aktibidad ay ginanap sa Redd Manor Hotel sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Dumalo sa nasabing oryentasyon si Regional Executive Director Eduardo L. Lapuz, Jr., Hepe ng AMAD Carmencita Nogoy, ang mga Agribusiness Provincial Coordinator, Municipal Agriculturists, at Price Monitoring Personnel mula sa mga lalawigan ng Aurora, Nueva Ecija, at Tarlac.

Layunin ng pagtitipon na higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga kalahok sa epektibong pagsubaybay at pag-uulat ng presyo ng mga produktong agrikultural.

Tinalakay rin sa programa ang kahalagahan ng Daily Price Index bilang isang kasangkapan sa pagbibigay ng tumpak at napapanahong datos sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapabuti ang pagdedesisyon ng pamahalaan at mga stakeholder sa sektor ng agrikultura.

Bukod dito, binigyang-diin ang mga probisyon ng RA 12022 na naglalayong labanan ang mga iligal na gawain tulad ng smuggling, hoarding, at manipulasyon ng presyo. Ang batas na ito ay mahalaga upang maprotektahan ang kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga mamimili laban sa mapanlinlang na kalakalan.

Sa kabuuan, ang oryentasyon ay nagsilbing hakbang upang mapalalim ang kaalaman ng mga kalahok at mapatatag ang kanilang papel sa pagpapanatili ng patas at maayos na sistema ng pamilihan sa sektor ng agrikultura.

#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong