
Matagumpay na inilunsad ang KADIWA NG PANGULO RICE FOR ALL PROGRAM PBBM: “P20 Benteng Bigas Meron Na!” ngayong araw, Abril 30 sa Heroes Hall, City of San Fernando, sa pangunguna ng City Government of San Fernando sa pamamagitan ng City Agriculture and Veterinary Office.
Layunin ng programa na maipamalas ang konkretong hakbang ng pamahalaan sa pagbibigay ng abot-kaya at dekalidad na bigas para sa mamamayan.
Binigyang-diin sa aktibidad ang mahalagang papel ng pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at pambansang ahensya upang mapatatag ang seguridad sa pagkain at matulungan ang mga pamilyang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagbabago sa presyo ng mga bilihin.
Sa pamamagitan ng direktang pagbibigay ng murang bigas, inaasahang mas mapapagaan ang gastusin ng mga konsyumer at mas magiging madali ang akses sa pangunahing pangangailangan.
Tinatayang nasa 1,500 indibidwal ang nakinabang sa naturang programa, karamihan ay mga senior citizens na kabilang sa mga pinaka-vulnerable na sektor ng lipunan.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga lokal na magsasaka na maibenta ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng KADIWA Pop-Up Store, na naglalayong direktang maiugnay ang mga prodyuser sa mga mamimili.
Dumalo sa naturang aktibidad sina DA Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, Food Terminal Inc. President and CEO Joseph Rudolph Lo, National Food Authority Administrator Larry Lacson, DA Region 3 Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Arthur Dayrit, City Mayor Vilma Caluag, City Vice Mayor Aurelio Brenz Gonzanles, at iba pang mga opisyal.


Nagpahayag ng buong suporta ang DA Regional Field Office 3 sa pamumuno ni Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz Jr. para sa naturang inisyatiba ng lungsod.
Ayon kay RED Lapuz, “Ang gawaing ito ay isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang bawat pamilyang Pilipino ay may access sa abot-kaya, sapat, at dekalidad na bigas. Sa gitna ng iba’t ibang hamon sa presyo ng bilihin, ang ganitong programa ay malinaw na pagpapakita ng malasakit ng pamahalaan sa kapakanan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng KADIWA NG PANGULO, nailalapit sa publiko ang pangunahing pagkain sa presyong kayang abutin ng karaniwang mamimili.”
Samantala, inaasahang magpapatuloy pa ang implementasyon ng KADIWA NG PANGULO sa iba’t ibang komunidad at isasagawa rin sa iba pang barangay sa loob ng Lungsod ng San Fernando upang higit pang mapalawak ang abot-kayang suplay ng bigas at masuportahan ang parehong mamimili at lokal na magsasaka sa rehiyon.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong


