
Pinaiigting ng Kagawaran ng Pagsasaka ang pagpapatupad ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!” sa Pampanga, isang pangunahing programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa food security, habang isinusulong ng pamahalaan ang mga hakbang upang mapanatili ang mababang presyo ng bigas at palakasin ang ugnayan ng sakahan at pamilihan.
Pinangunahan ang paglulunsad ng programa ng Kalihim ng Agrikultura Francisco P. Tiu Laurel Jr. kasama sina Regional Executive Director ng DA Gitnang Luzon Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., Pampanga Governor Lilia Pineda, dating Pangulo at kasalukuyang Kongresista sa Pampanga 2nd District Gloria Macapagal-Arroyo, Lubao Mayor Esmeralda Pineda, at iba pang lokal na opisyal nitont ika-3 ng Pebrero sa Municipal Hall ng Lubao, Pampanga.
Sa ilalim ng P20 rice project, maaaring makabili ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo ang mga kwalipikadong sektor—kabilang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, mga benepisyaryo ng 4Ps, magsasaka, mangingisda, transport workers, at minimum wage earners—alinsunod sa mas malawak na adyenda ng administrasyong Marcos sa seguridad sa pagkain.
Ayon kay Kalihim Laurel, mula nang ilunsad ang ‘Benteng Bigas, Meron Na!’ ay nakapagtatag na ito ng 508 P20 rice sites sa buong bansa, nakapagsilbi sa mahigit 2.6 milyong kabahayan, at napalawak sa lahat ng 82 lalawigan, kabilang ang piling malalaking lungsod sa bansa.
Dagdag pa nito, sa Pampanga pa lamang ay tinatayang 350,000 ang mga kwalipikadong benepisyaryo—patunay sa mahalagang papel ng lalawigan sa pagpapalawak ng programa.
Samantala, ang programa ay pagpapatuloy hanggang Hunyo 30, 2028, upang matiyak ang tuloy-tuloy na akses sa abot-kayang bigas sa ilalim ng adyendang Bagong Pilipinas.
Matapos ang rollout ng programa, personal na ininspeksiyon ng mga opisyal ang ₱414.8-milyong Pampanga Food Security Complex na matatagpuan sa Barangay Sta. Catalina, Lubao.
Ang nasabing complex ay isang pinagsamang proyekto ng Department of Agriculture, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), at Provincial Government of Pampanga. Inaasahang magsisilbi itong one-stop service center na may makabagong postharvest facilities tulad ng mechanical dryers, rice milling systems, at modernong mga bodega, na mahalaga sa pagpapahusay ng produksyon, kalidad, at suplay ng bigas sa lalawigan.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong





