Pormal nang pinasinayaan at ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ang subproject na ‘Improvement of Sitio Nazareno – Culis Farm-to-Market Road’ sa Hermosa, Bataan nitong ika-2 ng Hulyo.
Ang naturang proyekto ay naisakatuparan sa ilalim ng I-BUILD Component ng Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) na may kabuuang halaga na PhP90.3-milyon. May haba itong 5.72 kilometro na nag-uugnay sa Sitio Nazareno patungong Barangay Culis. Sinimulan ang proyekto noong ika-20 ng Abril, 2023 at nakumpleto noong ika-31 ng Disyembre, 2024.
Layon nitong tugunan ang matagal nang suliranin ng mga magsasaka sa Hermosa, particular sa sektor ng manga, hinggil sa mahinang kondisyon ng farm-to-market road. Batay ito sa resulta ng Value Chain Analysis para sa manga at sa nakasaad sa Provincial Commodity Investment Plan ng Bataan.
Sa pamamagitan din ng proyekto, inaasahang bababa ng kalahati ang gastos sa paghakot ng produkto mula PhP0.60 kada kilo sa PhP0.30, habang ang oras ng biyahe ng mga residente ay mababawasan mula 70 minuto sa 35 minuto. Inaasahan ding madaragdagan ng limang ektarya bawat taon ang pagtatanim ng manga at mababawasan ang transport losses mula 5% sa 3%, gayundin ng bigas, cassava, at kamote mula 3% sa 2%.
Bukod sa benepisyo sa agrikultura, nakapagbigay rin ang proyekto ng trabaho sa 154 na manggagawa mula sa mga karatig na barangay sa panahon ng konstruksyon.
Nagpahatid naman ng mensahe ang Kalihim ng Agrikultura na si Francisco “Kiko” Tiu Laurel, Jr. sa pamamagitan ni Regional Technical Director for Special Concerns Engr. Juanito Dela Cruz ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO III).
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Kalihim na ang proyektong pinasinayaan ay hindi lamang isang konkretong imprastruktura. Isa itong patunay ng pagkakaisa, malasakit, at ng tunay na pagbabago sa komunidad.
Aniya, “Ito ay hindi lang basta kalsada. Sa likod ng proyektong ito ay ang kwento ng ating mga magsasaka, ng kanilang paghihirap at pagtitiyaga, at ng kanilang walang sawang pag-aalaga sa lupa para tayo’y may makain sa araw-araw.”
Hinimok din ng Kalihim ang mga katuwang sa pamahalaan na gawing inspirasyon ang proyektong ito upang patuloy na lumikha ng mga inisyatibang may tunay na malasakit at kabuluhan para sa sektor ng agrikultura.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Culis Barangay Captain Hon. Manolito Paule sa tulong na naihatid ng proyekto sa kanilang komunidad, lalo na sa mga magsasaka at residente ng lugar.
Dinaluhan din ang aktibidad nina DA-PRDP Central Luzon I-BUILD Component Head Engr. Elmer Tubig, Action Officer Dr. Maricel L. Dullas, PRDP-PSO North Luzon Deputy Project Director Ms. Elma Mananes, Bataan Governor Hon. Jose Enrique Garcia III, Bataan Provincial Agriculturist Engr. Johanna Dizon, Hermosa Mayor Hon. Anne Adorable-Inton, Former Hermosa Mayor Hon. Antonio Joseph Inton, Hermosa Municipal Agriculturist Vincent Mangulabnan, at iba pang mga kinatawan mula sa DA RFO III, Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, Pamahalaang Bayan ng Hermosa, at mga opisyal at residente ng barangay.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsSaPagsulong

