Ipinagkaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ang Packaging House Facility para sa mga miyembro ng Luzon Pag-ahon Cooperative (LPAC) noong ika-23 ng Setyembre sa Brgy. San Antonio Este, Lupao, Nueva Ecija.
Sa isinagawang turn-over ceremony, ang asosasyon ay nakatanggap ng isang unit ng Packaging House Facility na nagkakahalaga ng Php 1,425,073.83 bilang parte ng FY 2022 regular program ng HVCDP. Pinangunahan ito ni Regional HVCDP Focal Person Engr. AB P. David at dinaluhan nina Municipal Agriculturist Johanna Mariano, Provincial Agriculturist Bernardo Valdez, SBM Agriculture Committee Jhon Lennard Bascos kasama ang mga miyembro ng LPAC, Lupao Local Government Unit at mga kawani ng ahensiya.
Ayon kay David, walang pagsisi nilang napili ang LPAC bilang benepisyaryo na mapagkalooban ng interbensyon dahil lahat ng miyembro nito ay palaging dumadalo sa mga programa ng Kagawaran.“Ang asosasyon na ito ay magandang tulungan dahil pinagyayaman nila ang mga interbensyon ng ating pamahalaan, alam namin na they are in good hands,” ani David.
Ang Chairman ng LPAC na si Henry Dela Vega ay lubos ang pasasalamat sa Kagawaran ng Pagsasaka para sa suporta na ibinibigay sa kanila. Malaking tulong umano ang House Packaging Facility para mas lalo nilang mapagyaman ang mga produkto nila.“Iyong mga pangarap namin ay natutupad dahil ngayon pasisinayaan na ang turn-over ng packaging facility at sa pamamagitan nito mas lalong mapapaganda ang produkto ng aming mga miyembro,” aniya.