Nagtipon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang operating units ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III), mga katuwang na ahensya, at mga stakeholder sa isinagawang Reframing Agricultural Governance: Strategic Planning Workshop for Sustainable Regional Development (2029-2034) mula ika-29 ng Hunyo hanggang ika-2 ng Hulyo sa Pantabangan, Nueva Ecija.

Pinangunahan ng Planning, Monitoring, and Evaluation Division (PMED) ang apat na araw na workshop na naglalayong palakasin ang kakayahan ng rehiyon sa pagbuo ng isang anim na taong strategic plan para sa sektor ng agrikultura na nakaayon sa pambansang layunin at tumutugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka, mangingisda, at iba pang stakeholder sa Gitnang Luzon.

Nagsilbing resource person si Dr. Evelyn Aro-Esquejo, na nagbahagi ng mga konsepto, pamamaraan, at estratehiya sa pagbuo ng pangmatagalang plano para sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa rehiyon.

Dinaluhan ang workshop ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang operating units ng DA-RFO III, kabilang ang mga technical at support divisions. Nakiisa rin ang Agricultural Training Institute (ATI), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), National Dairy Authority (NDA), National Food Authority (NFA), Philippine Carabao Center (PCC), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Philippine Coconut Authority (PCA), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), at Philippine Rice Research Institute (PhilRice).

Kabilang din sa mga kalahok ang mga kinatawan mula sa Office of the Provincial Agriculturist-Bataan (OPA-Bataan), Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC), mga Farmers and Fisherfolk Cooperative Associations (FCAs), LeMMCAP Region III, at Philippine Association of Agriculturists (PAA) Central Luzon.

Sa loob ng apat na araw, nagsagawa ang mga kalahok ng mga workshop at talakayan na nakatuon sa pagsusuri ng kasalukuyang kalagayan ng sektor ng agrikultura sa rehiyon at pagtukoy sa mga salik na maaaring makaapekto sa pag-unlad nito sa mga susunod na taon.

Kabilang dito ang mandate review, landscape analysis, mirroring session, at stakeholder mapping upang matukoy ang mga pangunahing isyu, oportunidad, at stakeholder na may mahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan ng agrikultura sa Gitnang Luzon.

Tinalakay rin sa workshop ang pagbuo ng isang pangmatagalang bisyon para sa sektor sa pamamagitan ng Future Blueprinting, gayundin ang pagsasagawa ng problem tree analysis at objective tree analysis upang matukoy ang mga pangunahing suliranin at mga layuning dapat tugunan ng rehiyon. Mula rito ay nabuo ang mga strategic pillars at mga pagbabago o outcomes na inaasahang makakamit sa loob ng anim na taong implementasyon ng plano.

Bilang bahagi ng proseso, bumuo rin ang mga kalahok ng results framework, mga prayoridad na programa at proyekto, mga pangunahing inisyatiba, roadmap, at key performance indicators (KPIs) na magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga estratehiya para sa sektor ng agrikultura mula 2029 hanggang 2034.

Naglaan din ng mga sesyon para sa governance, risk management, institutional readiness, resource planning, monitoring and evaluation, stakeholder engagement, at communication planning upang matiyak na ang mabubuong plano ay may malinaw na mekanismo para sa implementasyon, pagsubaybay, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.

Sa pagtatapos ng workshop, binigyang-diin ng mga kalahok ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga tanggapan ng DA-RFO III, mga katuwang na ahensya, lokal na pamahalaan, sektor ng akademya, organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda, at iba pang katuwang upang maisakatuparan ang mga layunin ng regional strategic plan.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong