Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa ilalim ng Executive Order No. 101, isinulong sa ginanap na Provincial Vegetable Congress 2025 ang kahalagahan ng Sagip Saka Act bilang isa sa mga pangunahing batas na naglalayong paunlarin ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mas mabilis at inklusibong sistema ng pagbili ng mga produktong agrikultural.

Ang naturang kongreso, na may temang “Without Limits: Strengthening Production Market and Support System,” ay ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Capitol Compound, City of Malolos, sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculture of Bulacan na pinamumunuan ni Provincial Agriculturist Ma. Gloria Carillo.

Dinaluhan ito ng nasa 516 kalahok mula sa iba’t ibang farmers’ cooperatives at associations mula sa buong lalawigan, na may layuning mapalakas ang produksyon at mapalawak ang pamilihan ng mga lokal na gulay.

Sa kaniyang keynote speech, binigyang-diin ni Assistant Secretary for High Value Crops, Sagip Saka, at Intellectual Property Atty. Joycel Panlilio ang bagong amyenda sa Section 11 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Sagip Saka Act na nilagdaan noong Oktubre 22, 2025, at ang Executive Order No. 101 na nagpapatibay at nagpapalawak sa implementasyon ng naturang batas.

Ayon kay Atty. Panlilio, ang EO 101 ay naglalayong palakasin ang direktang pagbili ng mga ahensya ng gobyerno mula sa lokal na magsasaka at mangingisda, partikular sa mga feeding programs, relief operations, at iba pang proyekto ng pamahalaan.

Ang pagsasabatas ng EO 101 ay nagbigay daan sa mas masinop, mas mabilis, at mas inklusibong implementasyon ng Sagip Saka Act, na lalong nagbubukas ng oportunidad para sa mga lokal na producer na mapalawak ang kanilang merkado at kita.

Ipinunto ni Atty. Panlilio na sa bisa ng bagong probisyon, maaari nang makilahok sa Direct Purchase ang mga lokal na producer na may kakayahang magsuplay ng produktong pang-agrikultura at pangisdaan at may rehistrasyon o akreditasyon sa alinman sa mga sumusunod: Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System (FFEDIS), Civil Society Organization (CSO), Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), Fishery Registry (FishR) System, National Coconut Farmers Registry System (NCFRS), o iba pang rehistrasyong aprubado ng Department of Agriculture.

Bukod sa tinalakay na Sagip Saka Program, tampok din sa kongreso ang mga paksang Vegetable Industry Situationer ni Engr. AB David ng DA-RFO 3, Soil-Less Farming ni Dr. Jessica Rey ng Pamantasan ng Cabuyao, at Marketing of Agricultural Products ni Dr. Maricel Dullas ng DA-RFO 3, na pawang nagbigay ng mahahalagang kaalaman upang mas mapaunlad ang kasanayan at kakayahan ng mga Bulakenyong magsasaka.

Ang Provincial Vegetable Congress 2025 ay nagsilbing plataporma ng pagkakaisa, pagbabahagi ng kaalaman, at pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga magsasaka, eksperto, at mga opisyal ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng EO 101 at mga bagong probisyon ng Sagip Saka Act, mas napapalakas ang pagkakataon ng bawat magsasaka at mangingisda na makibahagi sa direktang merkado, na siyang mag-aangat sa kanilang kabuhayan at magpapalakas sa sektor ng agrikultura sa Bulacan at sa buong bansa.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong