Pagpupulong ng DA Management Committee, ginanap sa PhilRice
Pinangunahan ni Kalihim William D. Dar katuwang ang mga pangunahing opisyales ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) ang pagpupulong ng Management Committee (DA ManCom) noong ika-23 hanggang 25 ng Nobyembre sa Philippine Rice Research Institute, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Layunin ng pagpupulong na talakayin ang patuloy na paghahatid serbisyo at pagsuri sa mga pangunahing estratehiya sa ilalim ng OneDA Reform Agenda para sa pagbabago ng agrikultura ng Pilipinas.
“Ang mga natitirang buwan na ito ng kasalukuyang administrasyon, na tila hindi tiyak, ay maaaring magabayan ng agham, teknolohiya at kasanayan,” pahayag ni Kalihim Dar sa kanyang mensahe.
Hinamon ni Kalihim Dar ang mga miyembro ng ManCom na maging “clutch player” na maghahatid ng mga estratehiya na may mahusay na kumbinasyon ng bilis at katiyakan sa gitna ng pagbabago ng mga pangangailangan kabilang ang adaptasyon sa pagbabago ng klima, lumalaking populasyon ng mundo, at mga panganib sa kapaligiran.
“Dalangin ko na hindi mawawala ang ating sigasig sa mahabang panahon, kahit na wala na tayo sa posisyon upang mamuno,” sambit din ni Dar.
Binigyag diin din niya na lumipas na sa nakaugaliang pamamaraan ang science-based approach ng kagawaran. Patunay rito ang mga makabagong pagsulong tungo sa mabilis, makatotohanan at matalinong pagbabalangkas ng patakaran at paggawa ng mga desisyon.
Sa naturang pagpupulong, nagkaroon ng mga talakayan kaugnay sa financial and physical performance at mga target ng kagawaran. Tinalakay din ang mga isyung kinakaharap ng sector ng agrikultura, implementasyon ng apat na haligi ng OneDA Reform agenda at pinahusay na mga plano at trabahong pangbansa at pangrehiyon.
Binati rin ni Kalihim Dar ang OneDA Family sa nakalipas na tatlong taon ng walang humpay na serbisyo at trabaho at hinikayat silang ipagpatuloy ang pamana para sa kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.