Isinagawa sa pangunguna ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon ang Training on Nutrient Management and Organic Fertilizer Utilization para sa proyektong “Adlai: Butil ng Pag-asa at Kabuhayan para sa Katutubong Novo Ecijano” nitong ika-28 hanggang 29 sa Casa Jedliana Hotel and Resort, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga Indigenous Peoples Organizations (IPOs) at mga kinatawan ng Local Government Units (LGUs) sa Nueva Ecija hinggil sa tamang pamamahala ng sustansya ng lupa, paggamit ng organikong pataba, at iba pang teknolohiyang makatutulong upang mapataas ang ani at kalidad ng adlai bilang alternatibong pananim at pinagkukunan ng kabuhayan.

Tinalakay sa unang araw ang kasalukuyang estado ng produksyon ng adlai sa mga lokal na pamahalaan, integrated pest management (IPM), paggamit ng Trichogramma card at insect traps, paggawa ng organic concoctions, tamang pamamahala ng organikong pataba, Gender and Development (GAD), mga kinakailangan sa makinarya, at talakayan sa MC 41.

Samantala, nakatuon naman ang ikalawang araw sa talakayan sa Good Agricultural Practices (GAP), ang kahalagahan ng kalusugan ng lupa at soil testing sa pagpapataas ng ani, at paghahanda ng project proposals, letter of intent at board resolutions para sa mga katutubo.

Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, patuloy na isinusulong ng DA Central Luzon ang inklusibo at sustenableng pag-unlad sa sektor ng agrikultura, kasabay ng pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga katutubong pamayanan tungo sa mas matatag na kabuhayan at seguridad sa pagkain.

#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong