Nagsagawa noong Mayo 7 hanggang 8, 2026 ng “Training on Plant Nursery Accreditation and Plant Material Certification for Plant Nursery Operators” sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga upang higit na mapalakas ang kaalaman at kakayahan ng mga plant nursery operators hinggil sa accreditation at certification ng mga planting materials.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Bureau of Plant Industry sa pamamagitan ng National Seed Quality Control Services katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office 3 – Regulatory Division.

Dumalo sa pagsasanay sina NSQCS Region 3 Chief Ms. Jesusa Stephanie Calderon, Department of Agriculture Regional Field Office 3 Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Arthur Dayrit, OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Elma Mananes, Regulatory Division Chief Dr. Xandre Baccay, at Assistant Division Chief Marilyn Velarde.

Sa kanilang mensahe ay binigyang-diin nila ang kahalagahan ng paggamit ng dekalidad at sertipikadong planting materials upang matiyak ang mas mataas na produksyon at mas matatag na sektor ng agrikultura.

Idinagdag din nila na upang makalahok ang mga magsasaka sa procurement process alinsunod sa pagpapatupad ng Sagip Saka Act, kinakailangan ang akreditasyon at sertipikasyon bilang mahalagang batayan ng kanilang pagiging kwalipikado.

Tinalakay sa unang araw ng aktibidad ang iba’t ibang usapin kaugnay ng plant nursery management at certification system.

Kabilang dito ang Guidelines on Crop Variety Registration na tinalakay ni Lovely Corilla, Domestic Movement of Planting Materials ni Ronalyn Eneres, Healthy Plant Material Production System kabilang ang Disease Indexing ni Dr. Juliet Ochasan, at Nursery Establishment and Management of Citrus ni Castor Jan De Guzman.

Ibinahagi rin ni Diana Tabudlong ang mga revised guidelines para sa accreditation ng plant tissue culture facilities, plant nursery operators, at certification ng mother trees at planting materials ng fruit at plantation crops.

Samantala, isinagawa sa ikalawang araw ang practicum at field visit sa Kapampangan Development Foundation Nursery kung saan personal na nakita ng mga kalahok ang wastong pamamahala ng isang accredited nursery na may certified mother trees at planting materials.

Nasa 35 na mga plant nursery operator sa iba’t ibang lalawigan ng Gitnang Luzon ang sumali sa nasabing pagsasanay.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong