Matagumpay na idinaos ng Department of Agriculture Regional Field Office III sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) at Agricultural and Fisheries Logistics Office (AFLO) ang Onion Cold Storage Facility Beneficiaries’ Meeting and Formation of the Alliance of HVCDP Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) Operating Onion Cold Storage Facilities– isang mahalagang pagtitipon na layuning palakasin ang boses ng mga magsasaka, mapatatag ang samahan at masiguro ang maayos na pamamahala sa mga cold storage facility sa Gitnang Luzon, noong Hulyo 30, 2026 sa lungsod ng Angeles City, Pampanga.

Nagsimula ang programa sa pagpapaabot ng mensahe ni Assistant Secretary Daniel Alfonso Atayde ng AFLO. Kanyang kinilala ang malaking sakripisyo ng mga magsasaka sa kabila ng mga hamon ng mataas na gastos at paiba-ibang presyo sa mercado ng sibuyas at iba pang mga gulay.

Ibinahagi ni Asec. Atayde na ang mga itinatayong cold storage facilities ay simbolo ng pag-asa upang hindi mapilitan ang mga magsasakang ibenta ang kanilang mga ani sa mababang halaga. Ibinahagi rin niya ang mga hakbangin ng AFLO, kabilang ang pagtatatag ng pambansang food hub na itatayo sa Clark, Pampanga at ang pagpapatupad ng libre at online na Registry System for Agri Storage (RSAS) sa ilalim ng pamumuno ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Samantala, ibinahagi ni Engr. AB P. David, Regional HVCDP/NUPAP/AFLO Focal Person, ang kasalukuyang kalagayan ng mga cold storage facilities sa rehiyon. Binigyang-diin niya na ang Gitnang Luzon ay nakapag-ambag ng 48.7% sa kabuuang suplay ng sibuyas sa bansa noong 2025, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ipinaliwanag niya na layunin ng pagpupulong na matiyak na ang bawat cold storage facility na ipinagkaloob ng pamahalaan ay hindi lamang maayos na naipapatakbo, kundi kumikita rin, at nakapagbibigay ng benepisyo sa mga kasaping magsasaka. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbubuo ng isang matibay na alyansa sa pagitan ng mga FCAs mula sa iba’t ibang lalawigan ng Gitnang Luzon upang mapalakas ang koordinasyon, mapabilis ang pagpapalitan ng impormasyon at karanasan, at maging mas maagap at episyente ang pagtugon sa mga teknikal at operational na usapin kaugnay ng pamamahala at pagpapatakbo ng mga cold storage facilities.

Kasunod nito, nagbigay rin ng mensahe si Dr. Arthur D. Dayrit, RTD for Operations, Extension, at AMAD. Kanyang pinuri ang mga napiling kooperatiba at samahan na naging benepisyaryo ng onion cold storage facilities. Binigyang-diin niya na buo ang suporta ng Kagawaran ng Pagsasaka upang tulungan ang mga magsasakang mapaunlad ang kanilang produksyon at kumita nang maayos. Ayon kay Dr. Dayrit, ang pagbuo ng alyansa ay isang mahalagang hakbang upang pagsama-samahin ang lakas ng sektor sa paghingi ng kinakailangang tulong at ayuda mula sa pamahalaan at pribadong sektor.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Luke Jickain mula sa AFLO ang mga alituntunin sa ilalim ng Memorandum Circulars 03 at 30 series of 2026 kaugnay ng RSAS, habang itinalakay naman ni Jennelyn D. Ibale, Market Specialist III ng AMAD ang mga stratehiya sa pag-uugnay sa merkado at tamang pagpapalabas ng mga nakaimbak na sibuyas.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang paglalahad ng Concept Note para sa pagbuo ng Alliance of FCA HVCDP Onion Cold Storage Operators na ibinahagi ni Ms. Luchie Cena, General Manager ng Valiant Primary Multipurpose Cooperative, na sinundan agad ng nominasyon ng mga magiging opisyal nito.

Sa ginanap na plenary discussion, malayang nagpalitan ng kaisipan ang mga dumalo ukol sa patas na paglalaan ng espasyo sa imbakan para sa maliliit na magsasaka, mga problema sa transportasyon at logistics, at ang pakikipag-ugnayan sa DA-AMAD at BPI hinggil sa mga patakaran sa pag-aangkat.

Pagkatapos nito, isinagawa ang organizational meeting kung saan kinumpirma ang mga paunang kasaping FCA, pinagtibay ang balangkas ng pederasyon, at inihayag ang kanilang Vision, at Mission. Sinundan ito ng isang technical session na nagpakilala sa mga opisyal na contact person para sa maintenance at nagbigay ng mga gabay sa pagsusuri at pag-aayos ng mga karaniwang problemang teknikal sa mga cold storage.

Nagtapos ang buong araw na aktibidad sa isang open forum at sa opisyal na pagpapatibay ng mga resolusyon at action plan. Sa pangwakas na salita ng Chairperson ng Kalasag Multipurpose Cooperative na si Mr. Arnold Dizon, pinalakas niya ang loob ng lahat at nagpasalamat sa matagumpay na hakbangin na maghahatid ng mas matatag at masaganang hinaharap para sa industriya ng sibuyas sa buong rehiyon.

#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong