Sa patuloy na pagsuporta sa sektor ng agrikultura, nagpamahagi ang Department of Agriculture (DA) Regional Field Office 3 ng fuel assistance sa mga magsasaka sa rehiyon ng Central Luzon.

Noong Nobyembre 17, 2025, sa Science City of Muñoz, 396 magsasaka mula sa Science City of Muñoz, Talugtug, at Lupao ang tumanggap ng fuel cards na may halagang P3,000 bilang tulong sa kanilang mga gastusin sa gasolina para sa makinarya sa pagsasaka.

Ang mga benepisyaryo ay mga rehistradong miyembro ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na may mga sakahan na may lawak mula 2.01 hanggang 3.00 ektarya at gumagamit ng makinarya sa kanilang mga bukirin.

Ang fuel cards ay maaaring gamitin sa mga gasoline stations na tumatanggap ng card payment, upang magamit sa pagbili ng gasolina para sa kanilang mga makina sa pagsasaka.

Ayon kay Engr. Arwen Lacanilao, Fuel Assistance to the Farmers Project Focal Person ng DA Regional Field Office 3, ang proyekto ay bahagi ng mga hakbang ng ahensya upang mabigyan ng suporta ang mga magsasaka sa mga gastusin ng operasyon ng kanilang mga sakahan at mapabilis ang kanilang produksyon gamit ang makinarya.

“Layunin ng DA na mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga magsasaka at magsilbing tulong upang mapalakas ang kanilang kabuhayan at produksyon sa agrikultura,” sabi ni Lacanilao.

Patuloy naman ang DA sa pamamahagi ng mga fuel cards sa iba’t ibang munisipalidad sa ikatlong rehiyon, bilang bahagi ng kanilang pangako na magbigay ng tulong sa mga magsasakang may pangangailangan at nagpapatuloy sa kanilang makinaryang ginagamit sa pagsasaka.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong