Isinagawa ang distribusyon ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) sa Research Outreach Station for the Lowland Development Zone sa Paraiso, Tarlac City kahapon, Abril 28.

 

Sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3), nasa kabuuang 1,126 magsasaka mula sa Tarlac ang tumanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

 

Layunin ng programa na mabigyan ng agarang tulong pinansyal ang mga kuwalipikadong magsasaka at mangingisda upang maibsan ang epekto ng tumataas na gastusin sa produksyon, partikular ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo na may direktang epekto sa pagbubungkal ng lupa, irigasyon, transportasyon, at iba pang gastusin sa pagsasaka.

 

 

Sa ilalim ng programa, ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng halagang ₱2,325 bilang karagdagang suporta sa kanilang kabuhayan.

 

Pinangunahan ang distribusyon ng mga kinatawan ng pamahalaan na nagpahayag ng patuloy na suporta sa sektor ng agrikultura. Kabilang sa mga dumalo sina Regional Technical Director for Operations and Extension ng DA RFO 3 Dr. Arthur Dayrit, Tarlac 2nd District Representative Maria Cristina Angeles, Governor Christian Yap, at Tarlac City Mayor Susan Yap.

 

Sa mensahe ni RTD Dayrit, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga magsasaka, lalo na sa gitna ng hamon ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at iba pang gastusin sa produksyon.

 

Sa pamamagitan ng PAFFP, patuloy na pinatitibay ng pamahalaan ang suporta nito sa mga magsasaka at mangingisda bilang pangunahing katuwang sa pagpapanatili ng seguridad sa pagkain ng bansa.

 

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong