Isinagawa noong ika-30 ng Abril ang unang batch ng pamamahagi ng tulong pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III).

Humigit-kumulang 1,200 magsasaka sa nasabing bayan ang nakatanggap ng halagang ₱2,325 bawat isa sa ilalim ng programa na layong makatulong sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa produksyon at presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ang PAFFP ay bahagi ng inisyatiba ng pambansang pamahalaan upang magbigay ng agarang suporta sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo at iba pang agricultural inputs na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang mga rehistradong magsasaka at mangingisda sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Ang mga magsasakang nagtatanim ng palay ay dapat may sinasakang hindi hihigit sa dalawang ektarya. Kabilang din sa mga kwalipikado ang mga magsasaka ng mais at tubo na rehistrado sa RSBSA, gayundin ang mga mangingisdang rehistrado sa RSBSA-BoatR.

Naging maayos at matagumpay ang isinagawang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryong magsasaka sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga kawani ng DA-RFO III at ng lokal na pamahalaan ng Sta. Cruz, Zambales.
Magpapatuloy ang pamamahaging ito sa lalawigan ng Zambales kung saan nakatakdang isagawa ang ikalawang batch sa Sta. Cruz sa ika-4 ng Mayo, na susundan naman ng distribusyon sa iba pang mga bayan sa mga susunod na araw.






#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong
