Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng nagdaang mga bagyo sa lalawigan ng Bulacan noong ika-7 ng Agosto na ginanap sa Hiyas Pavillion Convention Center, City of Malolos, Bulacan.
Pinangunahan ni PBBM ang pamamahagi ng food packs at cash assistance na mula sa Office of the President, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga nasalanta ng bagyo.
Ang Department of Agriculture (DA) naman ay nagkaloob ng 2,167 bags of certified rice seeds para sa 1,791 na magsasaka, 2 bags of hybrid yellow corn para sa 6 na magsasaka, at 42 benepisyaryo naman ang nakatanggap ng assorted vegetable seeds. Ang mga tulong na ito ay may kabuuang halaga na ₱4.3 milyon.
Isa rin sa tinalakay sa pagdalaw ng Pangulo ang naging sitwasyon ng lalawigan ng Bulacan na nakaranas ng matinding pagbaha na dulot ng bagyong Egay at Falcon. Dito pinag-usapan ang mga suhestiyon ng Bulacan LGU kung paano mareresulba ang ganitong problema.
Pasasalamat naman ang hatid ni Governor Daniel Fernando sa pangulo sa paghahatid nito ng tulong sa mamamayan ng Malolos.
“Nagpapasalamat ako at pinakinggan ng ating mahal na pangulo ang boses ng Bulacan LGU”, pahayag ni Fernando.
Panawagan at pakiki-usap naman ang huling pahayag ng Gobernador para sa mga Bulakenyo.
“Huwag na po tayong magtapon ng basura kung saan-saan, panatilihin po nating malinis ang kapaligiran upang maiwasan ang pagbara ng basura sa mga daluyan ng tubig at nang maging maayos ang pag-agos nito”, dagdag ni Fernando.
Dumalo rin sa programa sina Provincial Governor Daniel Fernando, Vice-Governor Alex Castro, at Malolos City Municipal Mayor Atty. Christian Natividad.