Tinanggap ng Lucky Farmers Association (LFA) ang mga pasilidad para sa Calamansi Processing at Vegetable Cold Storage noong ika-8 ng Marso.
Ito ay ipinagkaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) sa Barangay Calawagan, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Naibigay sa kanila ang isang yunit ng Calamansi Processing Facility at Calamansi Juice Extractor/Juicer na nagkakahalaga ng Php 1,466,622.06 at isang yunit ng Vegetable Cold Storage Facility na may halagang Php 2,632,718.65.
Ang programa para sa nasabing pasilidad ay sinimulan sa isang ribbon cutting sa pangunguna nina DA RFO 3 OIC-Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz, Jr. at LFA Chairperson Janette Abaoag.
Nasaksihan ito nina Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara, HVCDP at National Urban and Peri-Urban Agriculture Program Focal Person Engr. AB David, Agricultural Program Coordinating Officer ng District 3 and 4 ng Nueva Ecija June Lacasandile, Acting City Agriculturist Wilfredo Ponce, at mga kinatawan mula sa Office of the Provincial Agriculturist at Third District of Nueva Ecija.
Hangad ng ahensiya na sa tulong ng mga iginawad na pasilidad sa grupo ay mapapanatili ang kalidad ng gulay at makapagpoproseso sila ng mga produkto mula sa kanilang aning kalamansi.
Ayon sa datos, nakamit ng Gitnang Luzon ang ika-apat na puwesto bilang Top Producing Region sa pagtatanim ng Calamansi sa buong bansa na may 9,825.37 metric tons (MT).
Base rin sa inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority noong 2022, ang Nueva Ecija ang kinikilalang pinakamataas na producer nito sa rehiyon, tinatayang nasa 63.41% o 6,230.04 MT ang kanilang naiaambag mula sa kabuuang volume ng produksiyon.