Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang kauna-unahang Launching of the Pilot Intervention Monitoring Card (IMC) for Fertilizer Assistance, noong ika-30 ng Enero, sa Brgy. Bibiclat, Aliaga, Nueva Ecija.
Makatatanggap ng nasabing assistance na para sa pataba ang nasa 102 na lokal na magsasaka mula sa bayan ng Aliaga na magagamit nila sa kanilang pagsasaka.
Layunin ng aktibidad na ito na bigyang-daan ang pagpapadali ng pagbibigay ng assistance para sa mga magsasaka gamit ang e-wallet o IMC.
Sa ganitong pamamaraan, mas magiging accessible na sa mga magsasaka ang pagkuha ng kanilang assistance mula sa Kagawaran kagaya ng abono sa pataba at financial assistance.
Katuwang ang Development Bank of the Philippines o DBP at Universal Storefront Services Corporation o USSC ay naisakatuparan ng Kagawaran ang layuning ito.
Sa mensahe ni National Rice Program Director U-Nichols Manalo ay binigyan niya ng paalala ang mga benepisiyaryo ng nasabing assistance.
“Isa lamang po ang pakiusap namin, kung sinabi po ng ating Kagawaran na gamitin ang assistance para sa input ay doon po natin ito gamitin, kunin po ninyo sa tamang panahon, at gamitin sa tamang paraan. Magtulungan lang po tayong lahat,” saad nito.
Dumalo rin sa programang ito ang Focal Person ng Regional Rice Banner Program Dr. Lowell Rebillaco, Chief Marketing Officer ng USSC Dickie Soriano, Senior Vice President, and Head Branch Banking Sector-Marketing Group Antonio Owen Maramag, APCO Nueva Ecija Analou Santos-Morelos, at mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Aliaga.