Proyektong Gulayan sa Barangay, may hatid na kabuhayan at pagkain sa mga mamamayan ng Aurora
Kabuhayan at sapat na pagkain sa hapag-kainan, isa sa mga layunin ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon sa pagsasagawa ng proyektong Gulayan sa Barangay.
Sa ilalim ng High Value Crops Development Program sa pangunguna ni Engr. AB David, nagsagawa ng Regional Evaluation nitong ika-8 ng Setyembre sa Barangay Reserva, Baler, Aurora.
Ang kinatawan ng Aurora ay si Barangay Captain Micheal Valenzuela na ipinamalas ang mga talento at kakayahan ng mga mamamayan sa pagiging malikhain at pagbibigay halaga sa sektor ng agrikultura.
Ibida nila ang proyektong tinawag na “Gulayan ni Idol” na may iba’t ibang pasilidad gaya ng hydroponics, plant nursery, crop museum, photo booth, seed bank, community pantry, fishpond, vermihouse, goat house at poultry house.
Sa naging panayam ay mayroon din silang itinatanim na iba’t ibang klase ng gulay na ginagamitan ng organikong pataba.
Lubos ang naging pasasalamat ni Kapitan Valenzuela sa pagpapatupad ng programang Gulayan sa Barangay ng DA na nakapagbigay ng karagdagang oportunidad para sa kanilang lugar sa kabila ng pandemya.
Ang nasabing programa ay may layuning hikayatin ang mga mamamayan na iangat ang produksyon ng gulay gayundin ang pagkonsumo ng mga ito, at kalaunan ay magkaroon ng gulayan ang bawat tahanan sa Gitnang Luzon. Nang sa gayon ay magkaroon ng sapat at masusustansiyang gulay sa bawat hapag kainan ng bawat Pilipino.
Masusi namang sinuri ng mga evaluators ang nasabing gulayan sa pangunguna ni Mr. Jose Jeffrey Rodriguez, Project Development Officer IV mula sa DA-Central Office-High Value Crops Development Program (HVCDP) and Rural Credit, Engr. AB P. David, ang Regional HVCDP Focal Person, Ms. Rosalee G. Leander Regional GSB Focal Person, Mr. Christian T. Ramos Regional Seed Coordinator, Ms. Eduviges T. Pelayo, ang Chief ng Field Operations Division (FOD) na inirepresenta ni Bb. Shiela Hipolito, Engr. Francisco Hernandez Chairperson ng Regional Agriculture Fishery Council (RAFC) na kapwa mula sa DA-Regional Field Office III at Mr. Ferdinand Santos mula sa Civil Society Organization na nagpahayag ng kanilang pagkamangha sa pagiging malikhain at mapamaraan sa pangangalaga ng mga tanim ang mga taga Aurora.
Nagpahayag din ng paunang pagbati si Rodriguez at nangakong patuloy niyang susuportahan ang lalawigan ng Aurora sa mga proyektong kagaya ng Gulayan ni Idol.
Umaasa ang mga mamamayan ng Aurora na magpapatuloy ang pagsasagawa ng mga proyektong tulad nito upang makatulong at makapagbigay dagdag kaalaman tungo sa pagpapalago ng antas ng agrikultura sa nasabing bayan.