Proyektong Imprastraktura ng DA-PRDP magpapalawig ng transportasyon sa Bulacan
Inaasahang magpapalawig sa transportasyon sa Barangay ng Sumandig at Bubulong Malaki sa Bulacan ang Farm-To-Market Road (FMR) na nagkakahalaga ng Php 50 milyong piso. Ito ay nakumpleto sa ilalim ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) bilang pagsuporta sa OneDA infrastructure investments.
Nagsagawa ng final inspection noong ika-4 ng Hunyo ang Regional Project Coordination Office (RPCO 3) at ang Project Support Office (PSO) sa FMR na nakatakdang mai-turnover sa lokal na pamahalaan bago matapos ang buwang ito.
Sa isang maikling panayam, inilahad ni RPCO 3 I-BUILD Rural Infrastructure Engineer Michael Angelo Maglaque na layunin ng FMR na may habang 2.9 kilometro na makapagbigay ng kaginhawaan sa mga residente, magsasaka at motorista kung saan mababawasan ang oras ng paglalakbay mula sa Bubulong Malaki patungong bayan ng hindi bababa sa sampung minuto.
Inalala ng mga ilang magsasaka ang dati’y hindi madaanan na kalsada dahil na rin sa hindi maayos na kundisyon nito. Ngayon ay nakikita na ang pagbabago na dala ng pagkongkreto sa daan na makapagbibigay ginhawa sa transportasyon ng mga produkto patungo sa mga malapit na pamilihan at merkado.
Lubos na makabubuti sa kalidad ng buhay para sa mga magsasaka rito ang nasabing FMR lalo na sa aspeto ng pagpapataas ng kita, pinalawak na access sa mga sebisyong pangkalusugan at panlipunan at mas pinabIlis na transportasyon patungo at pabalik sa mga barangay.