Alinsunod sa Republic Act 9482 o ang Anti Rabies Act of 2007, ipinagdiriwang ngayong buwan ang Rabies Awareness Month na may temang “Rabies Free na Pusa’t Aso, Kaligtasan ng Pamilyang Pilipino.”
Layunin ng pagdiriwang na ito na magbigay ng kaalaman at babala tungkol sa rabies virus dulot ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng rabies.
Ayon kay Dr. Milagros R. Mananggit, Rabies Coordinator at Integrated Laboratories Division Chief ng DA RFO III, na upang maging rabies free ay mahalagang pabakunahan ang mga alagang aso at pusa upang magakaroon ito ng proteksyon laban sa Rabies Virus.
Dagdag pa niya, kinakailangan din umanong itali ang mga alagang aso’t pusa upang hindi ito malapitan ng ibang aso na nagtataglay ng rabies virus.
Samantala, isa sa mga programa na ilulunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO III), kaugnay ng Rabies Awareness Month, ang pagsasagawa ng mga advocacy seminars patungkol sa rabies at mass anti-rabies vaccination sa mga munisipalidad na may mataas na kaso nito.
Nagbigay si Dr. Mananggit ng ilang paalala at mensahe patungkol sa rabies virus na dapat huwag ipagwalang bahala ang rabies lalo na ang mga kagat sa kalmot bagama’t ang rabies ay 100% preventable ito rin ay 100% fatal o nakamamatay. Aniya agad na magpunta sa pinaka malapit na animal bite center upang agad na mabakunahan ang pasyente. Para naman sa lahat ng may alagang aso ay maging responsible pet owner po tayong lahat dahil lumabas sa resulta na 73% ng mga asong nagkakaroon ng rabies ay ang mga asong nasa labas lamang.