RCEF-RFFA INILUNSAD SA PAMPANGA
Guagua, Pampanga—Sa pangunguna ng Department of Agriculture Regional Field Office 3 (DA-RFO3) Rice Banner Program, pormal nang inilunsad ang Rice Competitive Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) sa Gitnang Luzon na ginanap sa Brgy. San Matias, Guagua Pampanga nitong Nobyembre 8.
Personal na dumalo si Kalihim William D. Dar sa naturang pagpupulong.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Dar na nais niyang siguraduhin na matutulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mga proyekto ng Kagawaran.
“Gusto natin na bago matapos ang termino namin ay maging malaking ginhawa ang maidudulot ng mga programa at proyekto para sa inyong mga magsasaka at mangingisda.” sabi ni Kalihim Dar
Sa ilalim ng RFFA, makakatanggap ng tig-limang libo ang bawat magsasaka ng palay na mapapabilang sa programa, kinakailangan na siya rin ay rehistrado sa RSBSA at may sinasaka na hindi lalagpas ng dalawang ektarya.
Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat si Cristina Morales na limang taon nang nagsasaka. Aniya malaking tulong umano sa kanilang pagsasaka ang matatanggap na ayuda.
Samantala, binigyang diin ni Pampanga Governor Dennis Pineda na walang babayaran ang mga magsasaka na mapapabilang sa naturang programa.
Kabilang sa mga dumalo sina Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda, DBP Senior Vice President Owen Maramag, Undersecretary for Operations Engr. Ariel Cayanan, Assistant Secretary for Operations Engr. Arnel de Mesa, Assistant Secretary for Strategic Communications Noel Reyes, Guagua Vice Mayor Sajid Khan Eusoof, Pampanga OIC-Provincial Agriculturist Jimmy Manliclic, DA-RFO 3 Regional Director Crispulo Bautista, RTD Lapuz, RTD Arthur Dayrit, Rice Focal Person Lowell Rebillaco, mga APCO ng Gitnang Luzon at mga Municipal Agriculturists ng Pampanga.
Aasahang nasa 177,839 na magsasaka sa Gitnang Luzon ang makikinabang sa naturang programa.