Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Research Division ang Regional Organic Agriculture Congress nitong ika-4 ng Nobyembre sa Agriculture Technology Building, Department of Agriculture-Central Luzon Integrated Agricultural Research Center, Barangay Paraiso, Tarlac City, Tarlac.Sa temang “Organikong Pagsasaka, Pagkaing Ligtas at Sapat para sa Pamilya,” ang programang ito ay kaugnay sa selebrasyon ng Organic Agriculture (OA) Month.Base sa Proclamation No. 1030 na napirmahan noong ika-21 ng Mayo taong 2015, idineklara ang buwan ng Nobyembre bilang selebrasyon ng Organic Agriculture Month para sa patuloy na pagpapalawig at pagpapalaganap ng mga organic agriculture products sa bansa.
Nilahukan ito ng mga OA Focal Person ng bawat probinsiya ng Gitnang Luzon kasama ang mga stakeholders ng mga ito.Dinaluhan din ito nina National Organic Agriculture Program Coordinator/Director Bernadette San Juan, Regional Technical Director for Operations Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Research Division Chief Dr. Irene Adion, Field Operations Division Chief Elma Mananes, Regional Organic Agriculture Alternate Focal Person Dr. Marie Joy Daguro at Bureau of Agriculture and Fisheries Standards Science Research Specialist II Vicente Limsan, Jr.
Sa naging mensahe naman ni RTD Lapuz, kaniyang binigyang diin na ang tema ay nakaakma sa food security na isa sa layunin ng bagong kalihim ng kagawaran.”Ito po ay nakaakma sa main objective ng ating bagong kalihim ukol sa kaniyang 8 socio economic agenda na food security, ang magkaroon ng affordable, available, and safe ng pagkain sa buong bansa,” saad nito.Sa unang parte ng programa, nagkaroon ng presentasyon ang bawat probinsiya ng kani-kanilang roadmap at nagkaroon ng open-forum.Sinundan naman ito ng oryentasyon tungkol sa Participatory Guarantee System for Organic Agriculture na ibinahagi ni Limsan.
Samantala, nagbigay naman ng Organic Agriculture Testimonials ang mga OA Practitioner na sina Adriano Necesito at Joyce Nirmalkumar.
Ayon kay Necesito, napakalaki umano ng naitulong ng OA sa kaniyang buhay lalo na nang magkaroon ng sakit na cancer ang asawa nito.”Nagkaroon ng breast cancer ang asawa ko at dahil dito pinayuhan kami ng doctor na mag-back to basic sa mga pagkain namin, matapos nito talaga namang nagtuloy-tuloy na ang paggaling ng misis ko,” paglalahad nito.Eye-opener namang maituturing ni Nirmalkumar ang pagpasok sa OA.”Ang karneng baboy na mostly ibinebenta sa palengke, napakarami palang prosesong pinagdaraanan. Dito ko naisip, bakit hindi ko kaya subukan na mag-grow ng baboy organically, and it turns out that it’s good lalo na para sa ating mga end consumer,” saad nito.Sa huling parte ay nagbahagi ng seminar ang CLIARC-OA Team tungkol sa Organic Inputs.Nagkaroon din ng pamamahagi ng Information Education, and Communication materials, seeds, planting materials at organic inputs.