Ngayong 2026, patuloy ang pagsasagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO III) ng Regular Kadiwa Pop-Up Store tuwing Lunes bilang alternatibong pamilihan na naglalapit sa mga lokal na produkto ng mga magsasaka sa mga konsyumer sa loob ng Diosdado Macapagal Government Center, City of San Fernando, Pampanga.

Katulad na lamang nitong ika-12 ng Enero, muling nagsagawa ang DA-RFO III, sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), ng Regular Kadiwa Pop-Up Store sa DA-RFO III Covered Court at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region III, kung saan tampok ang sariwa at abot-kayang produktong direkta mula sa mga magsasaka at kooperatiba sa Gitnang Luzon.
Ayon kay AMAD Chief Carmencita Nogoy, ang Kadiwa Pop-Up Store ay isa sa mga mekanismo ng Kagawaran upang makapagbigay ng direktang pamilihan sa mga magsasaka habang natutulungan ang mga mamimili na makabili ng dekalidad na produkto sa mas mababang halaga.

Naging regular at lingguhan ang pagsasagawa ng Kadiwa Pop-Up Store sa loob ng Government Center dahil sa dami ng mga empleyadong nagtatrabaho sa lugar.
Isinasagawa ang Kadiwa Pop-Up Store sa DA-RFO III at DSWD Region III upang maging mas accessible sa mga empleyado ng magkabilang panig ng Government Center. Ayon kay Nogoy, paminsan-minsan ay idinaraos din ang Kadiwa sa iba pang tanggapan tulad ng National Housing Authority (NHA) upang mas marami ang makinabang sa programa.

Iba’t ibang produkto ang mabibili sa Regular Kadiwa Pop-Up Store, kabilang ang sariwang gulay, prutas, root crops, spices, delicacies, at mga produktong gawa ng mga farmer-cooperatives at agripreneurs. Karamihan sa mga supplier ay mula sa Pampanga, habang may mga kalahok din mula sa ibang lalawigan gaya ng Nueva Ecija, partikular ang mga magsasaka ng sibuyas mula sa Bongabon.
Binigyang-diin ni Nogoy na bukas ang programa sa mga magsasaka at kooperatibang nais makilahok sa Kadiwa, basta’t nakarehistro at may kaukulang permit.

Bukas ang Regular Kadiwa Pop-Up Store mula umaga at nagpapatuloy hanggang sa maubos ang paninda. Pinapayuhan ang publiko na magdala ng sariling eco-bag bilang bahagi ng adbokasiya sa pagbawas ng paggamit ng single-use plastics.
Hinihikayat ng Kagawaran ang publiko na patuloy na suportahan ang lokal na produksyon at patronahin ang mga produktong Pilipino sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga aktibidad ng Kadiwa.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong

