Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang 2023 DA RFO3 R4D In-House Review noong ika-3 hanggang ika-4 ng Agosto, sa Magalang, Pampanga.
Ang programa ay pinangunahan ni Regional Technical Director ng DA RFO 3, Dr. Arthur D. Dayrit, Chief of Regional Research Division, Dr. Irene M. Adion, at RAFC Chairperson, Onesimo Romano, katuwang ang DA RFO3 Regional Research Division.
Sa aktibidad ay isa-isang ibinahagi ng bawat representante ng Research Outreach Station (ROS) ang kanilang mga papel na may kaugnayan sa pagpapaunlad, inobasyon, pagtuklas, at pagpapataas pa ng kalidad ng serbisyo ng DA para sa mga magsasaka.
Nagsilbi naman bilang panelist sa dalawang araw ng In-House Review sina Associate Professor II, Dr. Imee D. Esguerra ng Bulacan Agricultural State College, Associate Professor I, Dr. Rogelio P. Carandang, Jr. ng Pampanga State Agricultural University, at Senior Science Research Specialist/ Career Scientist I, Dr.Jayvee A. Cruz-Kitma ng PhilRice.
Sa kabuuang bilang na 15 na papel na isinumite para sa nasabing In-House Review, kabilang dito ang 10 completed research paper category, 2 on-going research paper category, 2 completed development category, at 1 on-going development category.
Ginawaran bilang best paper para sa completed research category ang pag-aaral na may pamagat na “Different Nutrient Management Practices on the Growth and Yield of NextGen Varieties Under Lowland Irrigated Ecosystem” sa pangunguna ni Bryan Cruz na nakakuha ng kabuuang marka na 90.33%.
Itinanghal din bilang best paper para sa completed development category ang pag-aaral na may pamagat na “Productivity Enhancement of Onion (Shallot and Multiplier) Growers Through Technology Adaptation and Participatory Approach in Selected Areas of Nueva Ecija” sa pangunguna ni Jerome Gumangan na nakakuha naman ng markang 94.33%.
Dumalo sa programa ang iba’t ibang research presentor mula sa Research Outreach Station (ROS) for Upland Development ng Magalang, Pampanga, ROS for Lowland Development ng Paraiso, Tarlac, ROS for Lahar Areas ng San Marcelino, Zambales, at ROS for Hilly Land ng Botolan, Zambales.