School-on-the-Air (SOA), sagot upang makabahagi ng karunungan ngayong may pandemya
Sa kabila ng hamon ng pandemya at mga protocol ng kaligtasan, hindi natigil ang Kagawaran ng Agrikultura para makapagbigay ng serbisyo sa mga magsasaka. Ito ay patuloy na tumatayo sa pakikiisa sa mga lokal na magsasaka ng bansa. Gumawa ng paraan ang Kagawaran upang makapagbigay ng kaalaman sa mga magsasaka at tiniyak na walang maiiwan.
Ang nakagawiang face-to-face seminars ay naging School-on-the-Air (SOA). Ito ang isa sa makabagong tugon ng Kagawaran upang patuloy na makapaghatid sa mga magsasaka ng komprehensibo at makaagham na kaalaman na hindi nagkakaroon ng banta sa kalusugan sa mga magsasaka.
Ang School-on-the-Air o SOA ay isang distance learning platform na kung saan patuloy na nakapagbibigay ng pagsasanay sa mga magsasaka ng walang face-to-face interaction. Naibabahagi ang mga kaalaman tungkol sa sakahan sa pamamagitan ng mga radyo.
Nanatiling isa sa kapaki-pakinabang na kagamitan ang radyo sa mga magsasaka. Mas naging epektibo ang radyo lalo na sa lugar na may mahigpit na patakaran ng quarantine tulad ng lalawigan ng Aurora.
Inilunsad ang School-on-the-Air on Smart Rice Agriculture sa pangunguna ng Kagawaran ang Agrikultura – Regional Field Office No. 3 (DARFO3) katuwang ang Agricultural Training Institute – Regional Training Center Central Luzon (ATI-RTC3), Provincial and Municipal Agriculture Offices ng Probinsiya ng Auroa, Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Aurora State College of Technology (ASCOT) at Philippine Information Agency (PIA) sa lalawigan ng Aurora upang matugunan ang mga problemang kinahaharap ng mga magsasaka.
Naging katuwang din ng Kagawaran ang mga lokal na radio station sa Aurora. Ito ang Radyo Kawadi 100.7 FM, DWBW 92.1 FM RTV BALER at Radyo Kaedup 102.9 FM.
Ang nasabing SOA ay nagbibigay daan sa pag-aaral at pagsasanay para sa mga magsasaka ng Aurora habang nalilimatahan ang peligro na maaaring makuha sa face-to-face training activities o pagtitipon. Ito ay naging kahalili sa mga nakasanayang tradisyonal na pagsasanay.
Nagsimula ang School-on-the-Air on Smart Rice Agriculture noong ika-25 ng Hunyo at umeere sa mga katuwang na lokal na radio station sa Aurora.
Northern Aurora – Radyo Kawadi 100.7 FM
Saturday 6:00 PM – 7:00 PM
Sunday 6:30 AM – 7:30 AM
Central Aurora – DWBW 92.1 FM RTV BALER
Saturday 5:30 AM – 6:30 AM
Sunday 5:30 AM – 6:30 AM
Dingalan Aurora – Radyo Kaedup 102.9 FM
Tuesday 9:00 AM – 10:00 AM
Wednesday 9:00 AM – 10:00 AM
May banta man sa kalusugan dahil sa pandemic na dala ng COVID-19, ngunit patuloy ang pagsisikap ng Kagawaran ng Agrikultura sa pagtugon sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda ng bansa.
Nabago man ang ating buhay, pamayanan at lipunan dahil sa pandemya at naging malabo ang ating hinaharap, ngunit malinaw ang ating pagkakaisa. Unti-unti tayong tumatayo at mananatili tayong magkakasama sa hinaharap upang magkaroon ng masaganang ani at mataas na kita sa ating lahat.