Sa pangunguna ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka–Gitnang Luzon, isinailalim sa pagsasanay sa Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) ang IntelliFarm, isang strawberry farm na matatagpuan sa Balagtas, Bulacan, noong ika-27 ng Enero.
Ang IntelliFarm ay gumagamit ng makabagong paraan ng pagtatanim sa pamamagitan ng indoor vertical hydroponics—isang modernong sistema kung saan ang mga pananim ay inilalagay nang patayo sa loob ng gusali at pinapalaki gamit ang tubig na may sustansya sa halip na lupa.
Layunin ng pagsasanay na matiyak na ang produksyon ng IntelliFarm ay ligtas, de-kalidad, at responsable, kasabay ng pagsunod sa mga pamantayan ng PhilGAP upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamimili, manggagawa, at ang kapaligiran.
Ayon kay Marilyn Velarde, PhilGAP Focal Person, ang pagkakaroon ng PhilGAP certification ay hindi lamang nakatuon sa kaligtasan ng pagkain at kapakanan ng mga manggagawa, kundi nagbibigay rin ito ng mas malawak na oportunidad sa merkado para sa mga produktong agrikultural.
Ibinahagi naman ni Christian Canlas, Agriculturist I, ang apat na pangunahing prinsipyo ng PhilGAP na kailangang masunod upang makamit ang sertipikasyon: kaligtasan sa pagkain, pangangalaga sa kalikasan, kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa, at katiyakan sa kalidad ng produkto.
Samantala, tinalakay ni Jofel Ocampo, Agriculturist I, ang proseso at mga kinakailangang hakbang sa pag-aaplay para sa PhilGAP Certification.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong





