Nagpamalas ng bagong teknolohiya ang ilang kumpanyang lumahok sa ginanap na Technology Demonstration ng Soil Conditioner at Plant Growth Enhancer ngayong araw, ika-20 ng Setyembre sa Daan Bilolo, Orion, Bataan.
Naging matagumpay ang isinagawang field day sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon katuwang ang Office of Provincial Agriculture (OPA) ng Bataan at Municipal Agriculture Office (MAO) ng Orion.
Ipinakita sa mga magsasaka at iba pang stakeholders ang mga makabago at epektibong paraan upang mapalago ang kanilang mga pananim at mapabuti ang kalidad ng lupa.
Naglalayon din itong mapalaganap ang kaalaman tungkol sa soil conditioning at plant growth enhancing na magpapabuti ng kanilang ani at kalidad ng mga produkto sa Gitnang Luzon.
Tatlong klase ng soil conditioner at plant growth enhancer na gawa at nagmula sa tatlong agriculture companies ang ginamit para rito.
Ito ay ang Farmer’s Friend Soil Conditioner ng CHC Agritech, Unigrow Soil Conditioner ng JCV Worldwide Traders Corp, at Effective Microorganism Activated Solution with Lactic Acid Bacteria and Amino Acid Organic Liquid Foliar Fertilizer ng Global Green Organic Fertilizer Inc.
Samantala, nagbahagi ng mensahe ang Farmer Cooperator na si Renato Sabino, nagmamay-ari ng napiling lupang ginamit para sa techno-demo.
“Napakahalaga ng ganitong mga demonstrasyon para sa amin. Base sa isinagawang field tour kanina, lahat ay maganda ang naging resulta,” sambit niya.
Sa tulong ng mga teknolohiyang ito, umaasa ang DA, OPA Bataan, at MAO ng Orion na maiahon ang kalidad ng pagsasaka sa rehiyon at mas mapabuti ang buhay ng mga magsasaka.
Ang teknolohiyang demonstrasyon ay isa lamang sa mga hakbang ng gobyerno upang masuportahan ang mga magsasaka at mapalaganap ang makabagong kaalaman sa pagsasaka.