Sa inisyatibo ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon katuwang ang Regional Crop Protection Center (RCPC) at Lokal na Pamahalaan ng Pampanga ay nagsagawa ng sunud-sunod na Technical Briefing tungkol sa pag-iwas at pagkontrol ng pesteng Onion Army Worm o Harabas sa mga magsasaka ng sibuyas sa bayan ng Magalang, Arayat, Bacolor at Mabalacat City nitong ika-29 hanggang ika-30 ng Enero.

Ang Armyworm o mas kilala sa tawag na Harabas ay karaniwang namiminsala sa humigit kumulang 200 uri ng halaman kabilang ang palay, mais at sibuyas. Tinagurian itong armyworm dahil marami ang bilang at pulu-pulutong kung umatake. Kinakain ang halos lahat ng halamang madaanan at lumilipat sa ibang lugar ang buong pulutong kung saan may makakain.

Ayon sa OIC-Chief ng RCPC na si Trojane Soberano, kapag ang tanim ay inatake na ng harabas ay malaki ang posibilidad na manatili na ito sa sakahan dahil meron itong mahigit 200 alternatibong pwedeng pagbahayan. Kaya nagbigay ang kanilang opisina ng mga impormasyon mula sa itlog hanggang pagtanda ng pesteng harabas upang makapaghanda ang mga magsasaka sa pag-atake nito.

Dagdag pa ni Soberano na ang yugto ng pagiging uod ng harabas pinakamapaminsala ito at manginginain ng dalawa hanggang tatlong linggo. Samantala, ang paru-paro nito ay maari namang makapangitlong ng hanggang 400.

Upang maiwasan at makontrol ang pagdami nito ay naglagay ng Pheromone Traps sa mga nabalitang may kaso ng Harabas. Ito ay isang uri ng insect trap na may chemical pheromone na nang-aakit sa lalaking harabas upang mahuli.

Pasasalamat ng magsasakang si Nicolas Tayag mula sa Magalang, Pampanga sa proyekto ng DA dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang pagsisibuyas lalu na at nabigyan sila ng tamang impormasyon sa pagsugpo ng harabas.

Samantala, binigyang linaw naman ni Minicipal Agriculturist ng Lokal na Pamahalaan ng Magalang Royce Lising ang balitang outbreak umano ng harabas na ito ay walang katotohanan. Sa kanilang ginawang monitoring ay nasa halos 15% lamang ng 1.5 ektaryang sakahan ang natamnan.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon