Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon – Agribusiness and Marketing Assistance Division ang isang turnover ceremony ng isang yunit ng FB Body Wheel Truck 10-Footer Dongfeng Series na nagkakahalaga nang mahigit isang milyong piso (Php 1,325,456) nitong ika-21 ng Marso sa Floridablanca, Pampanga.

Pinangunahan at naging saksi rito ang kalihim ng kagawaran na si Secretary William “Manong Willie” Dar sa labis na tuwa ng mga magsasaka ng RiceUp Farmers Incorporated sa kanilang natanggap na tulong.

Ang RiceUP Farmers Inc. ay isang organisasyon na may mithiing matulungan ang mga magsasakang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagsasanay at pagturo ng mga makabagong pamamaraan o teknolohiya sa sektor ng agrikultura.

Lubos ang pasasalamat ng grupo sa kalihim at kagawaran sa patuloy na pagsuporta at pagbuo ng mga iba’t ibang programa at proyekto na nakaangkla sa pagkamit ng masaganang ani at mataas na kita sa sektor.

#OneDA#DACentralLuzon