Unang Accredited Plant Nursery sa Gitnang Luzon ngayong taon, iginawad ng DA
Ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Regulatory Division kasama ang Bureau of Plant Industry ay iginawad ang kauna-unahang Plant Nursery Certification ngayong taon sa Mergel Plant Nursery mula Bamban, Tarlac nitong ika-23 ng Hunyo.
Ang Plant Nursery Accreditation mula sa BPI ay kinakailangan upang masiguro ang kalidad ng mga planting materials o halamang pinapalaki at binibenta ng mga may ari ng mga plant nursery sa kanyang mga kliyente at magkakaroon ng kakayahang makabenta sa mga sangay ng gobyerno.
Pinangunahan ang awarding ng Hepe ng Regulatory Division Dr. Xandre Baccay at
Senior Agriculturist mula BPI National Seed Quality Control Services Jesusa Stephanie Canderon.
Ayon sa may ari ng nursery na si Angel Tulabut na retiradong kawani ng gobyerno at dating Good Agricultural Practices (GAP) National Inspector, ang kanyang pag-established nito at pagkuha ng sertipikasyon ay upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng mas malaking kita dahil sa dekalidad na mga planting materials na mabibili sa kanya.
Tinatayang nasa 2500 metro kwadrado ang nursery ni Tulabut. Kabilang sa kanyang mga tanim ang grafted mango, grafted avocado, grafted kalamansi, grafted rambutan at mga punlang assorted na gulay.
Dahil sa maraming karanasan ni Tulabut sa mga teknikal na pamamahala ng mga halaman ay nagsasagawa muna ito ng libreng maikling lektyur para sa kanyang mga kliyente.
“Bago ko pakawalan ang mga bumili ng halaman sa akin ay sinisiguro ko munang magkaroon sila ng briefing sa tamang pag-alaga nito. Ito ay upang ang binayad nila ay masulit nita at kikita sila,” sambit ni Tulabut.
Samanlata, may dalawang BPI accredited plant nursery lamang sa buong Gitnang Luzon. Ito ang Kapampangan Development Foundation (KDF) sa Pampanga at ang Mergel Plant Nursery sa lalawigan ng Tarlac.