Inilunsad ang pinakaunang Kadiwa Store ng Department of Agriculture (DA) sa Gitnang Luzon nitong ika-3 ng Pebrero sa Brgy. Bambang, Candaba, Pampanga.
Ang mga KADIWA stores ay inisyatiba ng pamahalaan na naglalayong maghatid ng abo’t-kaya at dekalidad na produktong agrikultural direkta mula sa mga magsasaka patungo sa mga mamimili na walang middlemen, upang mas mababa ang presyo at mas sariwa ang mga produkto.
Magsisilbing operator ng KADIWA ang Bambang Multipurpose Cooperative (BMPC). Bukod sa mga gulay, karne, at bigas, magsisilbi rin itong one-stop shop kung saan makakabili ang publiko ng halos lahat ng pangangailangan sa pagluluto.
Makikita rin sa KADIWA ang P20 Rice Project, isa sa mga pangunahing programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong palakasin ang food security. Makakabili ng murang bigas sa halagang ₱20 kada kilo ang mga kwalipikadong sektor, kabilang ang:
• Senior citizens
• Persons with Disabilities (PWDs)
• Solo parents
• Mga benepisyaryo ng 4Ps
• Magsasaka at mangingisda
• Transport workers
• Minimum wage earners
Sa ngalan ng BMPC, nagpasalamat si Chairperson Precilla Martinez, “Maraming salamat po sa lahat ng tulong na ibinibigay ninyo sa aming mga magsasaka. Ngayon, nagkatindahan na rin kami at makakabili ang aming kababayan ng mas mura at sariwang produkto.”
Bilang suporta sa programa ng lokal na pamahalaan ng Candaba, nangako si Municipal Agriculturist Jomar Guevarra na i-eendorso ang pagkakaroon ng pwesto ng KADIWA sa pamilihang bayan, upang mas marami pang residente ang makinabang dito.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong








