Si Emma Tolentino ay isang magsasaka mula sa Bayan ng Victoria, Tarlac. Kilala siya bilang isa sa mga tagapagsulong ng organikong pamamaraan ng pagsasaka at may-ari ng Eco-Natural Integrated Farm and Learning Site. Tinagurian rin siyang Mushroom Queen ng Lalawigan ng Tarlac. Ngunit bago pa ang tagumpay na kanyang tinatamasa ay nakaranas rin siya ng mga pagsubok na siyang nag udyok sa kanya upang pasukin ang industriya ng pagsasaka.
Taong 2009 nang makaramdam si Emma ng mga pagbabago sa kanyang katawan na nakaapekto sa kanyang kalusugan. Siya ay naoperahan sa thyroid at nakaranas rin ng matinding stress sa pagtatrabaho sa pribadong kumpanya. Kinailangan rin niyang alagaan ang kanyang ama kaya naman siya ay nagdesisyon na mag-resign na lamang sa trabaho at pasukin ang pagsasaka. Bilang walang sapat na kaalaman ay nagsumikap si Emma at ginugol ang kanyang oras sa pag-attend sa iba’t ibang mga pagsasanay partikular na sa mga organikong pamamaraan ng pagsasaka. Ang kanyang mga natutunan dito ang siyang pinapatupad ni Emma sa kanyang farm, at taong 2010 nga nang tuluyan niyang baguhin ang kanyang farm tungo sa organic farming. Mula noon ay unti-unting yumabong ang farm ni Emma. Ang kanyang farm na matatagpuan sa Brgy. Bulo, Victoria, Tarlac ay may tanim na guava apple, organic rice at herbs & spices. Nag-aalaga rin siya dito ng mga native na baboy at free-range chicken. Ngunit, si Emma Tolentino ay mas kilala sa larangan ng pagpapatubo ng mushroom.
Ang mushroom o kabute ay tinatawag ni Emma na “Mana from Heaven” dahil ito ay tumutubo kahit saan at may taglay na nutritional values. Sa kanyang farm ay dalawang uri ng kabute ang matatagpuan: ang Oyster Mushroom (Pleurotus ostreatus) o Kabuteng Pamaypay at Paddy Straw Mushroom (Volvariella volvacea) o Kabuteng Saging. Ayon kay Emma, ang pagpapatubo ng mushroom ay maaaring i-integrate sa farm at gawing negosyo. Pinili ni Emma na pagyamanin ang pagpapatubo ng Kabuteng Saging dahil ito ay may mataas na halaga, masarap at madaling makilala sa merkado. Maliban pa rito, mas madali rin umanong alagaan ang kabuteng saging kaysa sa kabuteng pamaypay sapagkat ito ay tumutubo sa maiinit na lugar na akma sa klima ng Pilipinas. Hindi rin umano ito kinakailangang dumaan ng pasteurization, hindi gaya sa pagpapatubo ng kabuteng pamaypay.
Ayon rin kay Emma, maliit na puhunan lamang ang kailangan sa pagpapatubo ng kabuteng saging ngunit malaki ang maaaring kitain.
Ang mga substrate na gagamitin ay maaari rin makuha sa mga bakuran gaya ng tuyong dahon ng saging.
Sa loob lamang ng 14 na araw ay maaari nang anihin ang kabuteng saging. Samantala, naibebenta naman ni Emma ang kanyang mga kabute locally dahil ayon sa kanya ito ay kilala na, hindi gaya ng ibang uri ng kabute na kailangan pang ipakilala.
Maliban sa dahon ng saging, ang Volvariella volvacea ay maaari rin patubuin sa dayami. Ngunit, mas madali ang proseso sa dahon ng saging dahil balanse na ang alkalinity nito kumpara sa dayami na maasim dahil sa mga kemikal na ginagamit dito.
Dahil sa kanyang patuloy na pagsusumikap, nakatanggap si Emma ng mga suporta at parangal mula sa iba’t ibang ahensya. Nakilala siya bilang isa sa mga huwarang magsasaka at nai-feature na rin sa iba’t ibang programa sa telebisyon. Samantala, bukas naman ang farm ni Emma sa mga nagnanais na matuto pa sa paggawa ng Volvariella mushroom.