Matagumpay na idinaos ang Regional Organic Agriculture Center Workshop mula Hulyo 9 hanggang 10 sa St. Isidore The Farmer, Sta. Ana, Pampanga. Ito ay pinangunahan ng Organic Agriculture Program (OAP) ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO 3).
Sa unang bahagi ng programa, tinalakay ng National Organic Agriculture Program (NOAP) ang mga tungkulin at iminungkahing estruktura ng mga OA Center. Inilahad naman ni Regional OAP Focal Person Marie Joy M. Daguro ang profile, mga produkto, at mga hamong kinakaharap ng organikong agrikultura sa Gitnang Luzon.
Kabilang sa mga tinukoy na priority commodities sa workshop ang palay, saging, ube, kakaw, kamote, luya, kambing, mangga, kape, at kalamansi. Binigyang-diin din ang mga pamantayan sa pagpili at pagraranggo ng mga produktong ito, pati na ang pagtukoy sa mga kailangang pasilidad at aktibidad sa bawat sentro.
Nagkaroon ng break-out session ang mga kalahok kung saan tinalakay ng bawat grupo ang kanilang Short-Medium-Long (S-M-L) term Planning and Development Plan. Nakatuon ito sa value chain ng bawat produkto, mga kinakaharap na suliranin, at mga iminungkahing solusyon o interbensyon.

Bilang output, bumuo ang mga delegado ng draft proposal para sa pagtatatag ng Regional Organic Agriculture Center at isinaayos ang Industry Profile nito upang matiyak na tugma ito sa mga gampanin ng itatayong sentro.

Layunin ng aktibidad na tipunin ang mga pangunahing stakeholder upang suriin ang kasalukuyang estado ng organikong agrikultura sa rehiyon at tukuyin ang mga prayoridad na interbensyon.

Bilang pagsuporta sa mga layunin ng Regional OA Centers, nakiisa rin sa ginanap na workshop sina Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., RTD for Operations & Extension and AMAD Arthur D. Dayrit, Ph.D., at OIC-RTD for Research, Regulations & ILS Elma S. Mananes.

Samantala, binigyang-diin ni NOAP National Director Bernadette F. San Juan, CESO II, ang malaking kontribusyon ng Rehiyon 3 sa pambansang produksyon ng pagkain, partikular sa bigas, sibuyas, mangga, at gulay.

Hinimok ni San Juan ang mga lokal na magsasaka na yakapin ang organikong pagsasaka bago pa mahuli ang lahat. Aniya, ang labis na paggamit ng synthetic fertilizer ay hindi na nagpapataas ng ani dahil nawawalan na ng kakayahan ang lupa na suportahan ang mga pananim. Kaya naman, panawagan niya na alagaan at ibalik ang sustansya ng lupa upang matiyak ang tuloy-tuloy na seguridad sa pagkain.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagsulong

