Isinagawa nitong ika-7 ng Nobyembre ang Business Pitching sa ilalim ng FY 2023 Young Farmers Challenge (YFC) – Intercollegiate Regional Level Competition sa DA RFO 3 Training Hall, City of San Fernando, Pampanga.

Ito ay aktibidad ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).

Ang Regional Panel of Judges ay binubuo ng Chairperson na si Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Regional Technical Director (RTD) for Operations and Extension & AMAD at Co-Chairperson na si Arthur Dayrit, Ph.D., Regional Technical Director for Research, Regulatory, & ILD.

Kabilang din dito ang mga miyembro na sina Patrick Warren Serrano, Department of Trade Industry Region 3 – Chief, Trade-Industry Development, Dr. Leonilo Dela Cruz, Golden Beans & Grains Producers Cooperative Chairman, at Dr. Zoila Duque, Bataan Peninsula State University – Abucay Campus Dean of Instruction.

Bilang parte ng programa, nagbigay ng paunang mensahe si RTD Lapuz. Kaniyang pinasalamatan ang lahat ng sumali sa YFC Intercollegiate.

“Nagpapasalamat po kami sa lahat ng nakilahok sa Young Farmers Challenge, actually expansion na lang ito dahil for the last three years ay mayroon ng YFC Program. This time in-expand natin sa intercollegiate, we invited our sophomores to present their business. Nandito kaming mga panel of judges na handang magbigay ng tips at comments para mas mapaganda ang inyong mga business model,” aniya.

Ang mga kalahok ay kinatawan ng iba’t ibang mga unibersidad at kolehiyo tulad ng Pampanga State Agricultural University, Nueva Ecija University of Science and Technology, Central Luzon State University, Aurora State College of Technology, Tarlac Agricultural University, President Ramon Magsaysay State University, Bulacan Agricultural State College, at Bulacan State University.

Sa tulong ng ganitong kompetisyon at programa, paniniwala ni RTD Dayrit nahihikayat ng gobyerno ang susunod na henerasyon na pumasok sa sektor ng agrikultura.

“Sa part po ng Department of Agriculture, kami po ay natutuwa at maraming kabataan ngayon ang gustong ma-engage sa agriculture kasi po medyo naaalarma po kami sa average age ng mga magsasaka sa ngayon. We hope na i-push through ninyo ang career sa agriculture at makatulong na masiguradong may sapat na pagkain ang ating bansa,” pahayag ni RTD Dayrit.

Saksi rin sa aktibidad sina OIC-Chief AMAD Maricel Dullas at Senior Agriculturist Sherwin Manlapaz.

Sa walong nakilahok, isa lamang ang mananalo at makakakuha ng Php 150,000 at tatanghaling Regional Winner ng ikatlong rehiyon.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon