Muling nakiisa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa programang Lab For All noong ika-3 ng Oktubre, sa Palayan City, Nueva Ecija.

Ang programang Lab For All ay inilunsad ni First Lady Atty. Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos upang magbigay ng libreng konsulta-medikal, gamot, at laboratory test.

Pasasalamat naman ang hatid ng Unang-Ginang sa mga Novo Ecijano para sa mainit na pagsalubong sa kaniya ng mga ito.

Aniya, bagama’t hindi nakadalo ang pangulo sa programa, nagpapahatid din ito ng pagbati sapagkat isa sa mga malalapit sa puso niya ang lalawigan ng Nueva Ecija.

Bilang isa naman sa mga kasamang ahensiya, namahagi ang DA ng mga vegetable seeds na maaaring itanim ng mga Novo Ecijano kagaya ng sili, okra, pechay, lettuce, sitaw, talong, kamatis, ampalaya, kalabasa, at mga punla ng kabute.

Pinangunahan ang pamamahaging ito ng DA RFO 3 High Value Crops Development Program kasama si Regional Technical Director Dr. Arthur D. Dayrit, at Nueva Ecija District 1 and 2 Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Analou L. Santos-Morelos.

Dumalo rin sa programa ang Gobernador ng lalawigan na si Aurelio “Oyie” Matias Umali, at Bise-Gobernador Emmanuel Antonio “Anthony” Matias Umali.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon